Si Vina Morales ang bisita sa Fast Talk With Boy Abunda ng GMA-7 nitong Huwebes ng hapon, August 17, 2023.
Sa pagkakatanda ng singer-actress, buhay pa ang TV host at starbuilder na si German "Kuya Germs" Moreno nang huli siyang yumapak sa bakuran ng GMA-7.
May espesyal na bahagi sa puso ni Vina ang GMA Network, na matagal niyang naging tahanan noong teenager pa siya at miyembro ng phenomenal youth-oriented program na That’s Entertainment.
Naging bahagi rin siya ng defunct musical-variety show na SOP.
Lumipat si Vina sa bakuran ng ABS-CBN noong 2001.
“Nag-start ako dito sa GMA. I’ve been here for so long.
"Dito ako nag-umpisa, Kapuso talaga ako.
"Nami-miss ko si Kuya Germs," sabi ni Vina sa panayam sa kanya ni Boy Abunda.
Nang tanungin tungkol sa mga napagtanto o realizations niya noong panahon ng coronavirus pandemic, sinabi ni Vina na pinili nitong magpatawad.
Saad niya, “Ang daming realizations during the peak of pandemic.
"On a personal level, na-realize ko na life is short, so I chose to forgive and I chose to be more kind, I guess, and be more compassionate.
“I am just being thankful for the present. Hindi ko na masyadong iniisip yung future kasi anytime, it can be taken away from you.”
May co-parenting setup si Vina sa dating partner niya, ang businessman na si Cedric Lee. Patunay itong magkasundo na sila ng ama ng kanyang 14-year-old daughter na si Ceana.
Read: Vina Morales now civil with ex-boyfriend Cedric Lee: “Para sa anak namin.”
Sa mga susunod na araw, magkakaroon ng malaking anunsiyo tungkol sa international career ni Vina.
Ayon kay Boy, “May malaking announcement na magaganap sa career ni Vina. This is a big big global project that she’s doing.”
Hindi namin tinanong si Vina tungkol sa proyekto na tinutukoy ni Boy na katuparan ng isa sa kanyang bucket list, pero aming inusisa kung gaano katagal siya mawawala sa Pilipinas.
“Dalawang buwan," sagot ni Vina.
Kuntento raw si Vina sa takbo ng showbiz career niya at patuloy ang pagdating sa kanya ng mga proyekto.
“I’m just thankful that a lot of works are coming in, maybe it’s because I’m just grateful and thankful so blessings are coming in.
“Yung pagmamahal ko sa trabaho ko, mas na-appreciate ko yung mga tao na nakatrabaho ko. Na-appreciate ko yung talent na ibinigay sa akin ng Diyos.
"So, I’m really trying to learn more, open to any opportunities."