Walang nakitang pagkakamali si Mark Herras sa nangyari sa kanyang showbiz career.
Ito ang isinagot niya sa tanong ni Boy Abunda sa magkasabay na pagbisita nila ni Rainier Castillo sa Fast Talk with Boy Abunda ng GMA-7 nitong Martes ng hapon, August 15, 2023.
Naging maingat at marespeto si Boy sa pagsasalita nang magtanong ito kay Mark: “You could have been the biggest names in Philippine entertainment lalo na sa inyong panahon. With so much respect, I wanna know what went wrong?”
Sagot ni Mark: “Feeling ko, wala naman akong nakitang mali sa nangyari kasi na-experience ko naman yung peak ng career ko before.
"And I’m happy and thankful sa GMA dahil nagawa ko po lahat. Napuntahan ko yun buong Pilipinas saka nakapunta ako ng ibang bansa.
"Ako yung tipo ng tao na nakukuntento ako.
"Kung nakuntento ako sa naramdaman ko at nagawa ko sa showbiz, sa buong showbiz career ko, natulungan ko yung family ko, so hindi naman ako nag-e-expect pa ng mas higher na posisyon sa industriya.
“So ngayon, tapos na ako sa family ko, then bumubuhay naman ako ng pamilya ko. Kuntento ako sa mga nakukuha kong trabaho.”
Bukas na libro sa publiko ang buhay ni Mark, na hindi inilihim na gay couple ang mga kinagisnan niyang magulang—sina Claudio "Jun" Herras Jr. at ang kanyang Tito Hermie na pareho nang sumakabilang-buhay.
Read: Mark Herras mournes detah of adoptive father; vows to be a loving father like Daddy Jun
Read: Mark Herras grieves over the passing of foster father; remembers late loved ones
Nang magtanong si Boy kay Mark sa nalalaman nito tungkol sa gay love, sinabi ng 36-year-old actor na maaga niyang naintindihan ang sitwasyon na kanyang kinalalagyan.
Saad niya, “It’s just two normal people na nagmamahalan. At the early stage kasi ng buhay ko, naintindihan ko na yung sitwasyon na meron ako.
“Hindi ko siya tiningnan na parang dapat babae at saka lalake ang magulang ko.”
Itinuturing ni Mark ang sarili na masuwerte dahil marami ang kanyang mga magulang. Meron siyang Daddy Jun, Tito Hermie, at mga tunay na ama at ina.
Ang pagsali sa unang Season ng StarStruck (2003-2004) at ang tagumpay niya sa reality-based artista search ang itinuturing ni Mark na biggest achievement dahil nakatulong siya sa kanyang pamilya.
At ngayong ama na rin siya, nangako si Mark na gagawin ang lahat at handang magsakripisyo para sa kanyang asawa at mga anak.