“Mag-contract signing na ako sa GMA. Aalis na ako sa ABS.”
Ito ang nagbibiro pero seryoso ang mukhang sagot ni Ryan Bang nang kumustahin ng Cabinet Files ang unang pagkakataong pagyapak niya sa Kapuso Network.
Sina Ryan at Jhong Hilario ang guests sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Martes ng hapon, August 8, 2023.
Sa mga host ng It’s Showtime, si Anne Curtis ang unang bumisita sa talk show ni Boy Abunda noong July 11, 2023.
Naging mainit ang pagtanggap ng mga empleyado ng GMA-7 kay Anne. Inabangan ang pagdating niya at pinagkaguluhan siya.
Read: Anne Curtis, bukas sa paggawa muli ng proyekto sa GMA-7
Ang buong akala ni Ryan, kasing-init ng pagsalubong kay Anne ang mararanasan niya sa pagyapak sa GMA-7 compound kaya naghanda siya sa pamamagitan ng pagpapalinis sa kanyang sasakyan. Pero kabaligtaran ang nangyari.

Ryan Bang at GMA Network
Kuwento niya kay Boy, “First time po ako dito sa GMA, ang bilis pala magsarado ng elevator dito!
“Nagpa-carwash kami kasi akala ko, siyempre dumating sina Ate Anne, nakita ko yung video. Kinukunan yung kotse ni Ate Anne.
"Dumating yung kotse ko, walang tao! Dapat pala, hindi ako nagpa-carwash, walang kumuha sa akin.”
Pero nang pauwi na ang Kapamilya comedian-TV host, nakita naming marami ang mga nagpapakuha ng litrato sa kanya sa lobby ng Kapuso Network.
RYAN LOVES THE PHILIPPINES
Walang dugong Pilipino si Ryan, pero nagbitaw ito ng salitang panghabampanahon ang kanyang paninirahan sa Pilipinas at dito na siya mamamatay.
Saad niya sa panayam ni Boy, “Dito ako lumaki, dito ako mamamatay. Habambuhay ako dito kasi mahal na mahal ko ang Pilipinas.
"Yung ugali ko, Pilipino. Gusto kong bumawi sa pagmamahal nila sa akin.
“Nagpe-pray ako gabi-gabi kay Lord Jesus Christ na, ‘Lord, gamitin Ninyo po ako.’
"Dati kasi gusto kong magpasaya ng mga Pilipino. Ngayon, gusto ko, maraming-maraming Pilipino ang yumaman dahil sa akin.”
DREAM KAPUSO LEADING LADY
Mabilis naman ang pagbanggit ni Ryan sa pangalan ng GMA Network executive na si Annette Gozon-Valdes nang itanong ni Boy kung sino sa mga Kapuso star ang gusto niyang maging leading lady sa pelikula.
“Annette Gozon! Mukha siyang Korean! Mukha siyang Korean! Mukha siyang Korean! Bagay kami!
“Para pagkatapos ng Fast Talk, 24 Oras, five hours [ang] teleserye namin!” nagbibirong sabi niya.
Umamin naman si Ryan na kabilang ang singer na si Yeng Constantino sa mga niligawan niya noon.
Ito naman ang mensahe niya para sa mga aktres na binasted ang kanyang panliligaw: “Madami sila! Magsisi kayo! Ang dami ninyo! Gawa kayo ng group chat!”
Read: Yeng Constantino, Ryan Bang put closure to their "love story"