Ang "Maging Sino Ka Man" at "Naalaala Ka" ang dalawa sa maraming hit songs ni Rey Valera na nilikha nito sa sementeryo ng Meycauayan, Bulacan—isang kagiliw-giliw na katotohanang tiyak na ikagugulat ng mga tagahanga ng mga nabanggit na kanta.
Ang legendary singer-songwriter ang bisita ni Boy Abunda nitong Miyerkules, August 2, 2023, sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ibinahagi ni Rey ang malaking bahagi ng sementeryo sa kanyang buhay at music career.
Read: Buhay at musika ni Rey Valera, maaaring gawing inspirasyon ng mga kabataan
“Galing ako sa broken home pero tapos na yon. Ang ibig sabihin, nakikitira lang ako sa kamag-anak, sa Bulacan ho yan, sa Meycauayan.
“Siyempre kapag nakikitira ka sa kamag-anak mo, ang papel mo, boy, inuutus-utusan.
"Para hindi ako mautusan, nagpupunta ako sa sementeryo para gumawa ng kanta. Doon kasi tahimik, wala naman akong nakitang multo,” kuwento ni Rey.
Napansin at sumikat si Rey sa music industry dahil sa "Ako Si Superman," ang kanyang unang hit song na isinulat niya para sa OPM icon na si Rico J. Puno, na pumanaw noong October 30, 2018.
Pero tinanggihan ni Rico ang "Ako Si Superman" kaya napilitan si Rey na i-record ang sariling komposisyon.
Ito ang nagpabago sa takbo ng buhay niya bilang singer at songwriter.
"Yung 'Ako Si Superman,' ginawa ko po yan para kay Rico Puno, really, honestly. Idol namin siya noon.
“Siya ang nagpauso ng pangit sa Pilipinas, e. Kapag nakita mo siya sa TV, sabi ko, 'Kung puwede ang mukha na ito, puwede na rin ako,'” nagbibirong lahad ni Rey.
Patuloy niyang kuwento, “Tinanggihan niya. Nagpunta ako sa Raon, in-apply ko yung kantang ito.
"Hindi ko alam, tinanggihan niya pala kaya naman sa akin napunta ang kanta na yan. Sabi, puno na raw yung album ni Rico Puno.
“Lately na lang, nakasama ko siya, saka niya sinabi sa akin, inamin niya, talagang tinanggihan niya yung kanta na yan.
“Sabi niya kasi, kaya niya daw tinanggihan dahil mayabang na siya, tapos Superman pa.
“Kaya lang, there was this one time na bago siya mamatay, sabi niya kantahin namin yan. Talagang ini-insist niyang kantahin niya yan.
“Nag-duet kami, tuwang-tuwa siya. Tapos sabi niya, ‘Bagay pala sa akin, ‘no?’
"Sabi ko, ‘Oo, talagang ginawa ko yan para sa yo.’
“Nung pagkatapos namin kantahin sa isang show, one week later, pumanaw na siya."
Read: Rico J. Puno, phenomenal ang success noong dekada '70
Pagpapatuloy ni Rey, "Kaya masasabi ko, masuwerte ako, tayo, buhay pa tayo, e.
“Pero marami na akong kaibigan, kakilala na wala na ngayon.
"Si Claire dela Fuente, si Danny Javier, si Victor Wood, si Eva Eugenio… malapit na pero buhay pa yon.
"Eva, I love you ha! Love you Eva,” seryoso pero biglang nagbirong sabi ni Rey.
Dagdag pa niya, “Hindi, umiinom kasi yon ng formalin para yung mukha, hindi malaglag.”
Read: Imelda, Claire, at Eva di pa rin tanggap ang Formalin Beauties na tawag sa kanila ni Rico J. Puno