“Matagal ko nang pinatawad kaya lang, ayaw niyang marinig.”
Ito ang nakangiting sagot ni Amy Perez nang tanungin ng Cabinet Files kung napatawad na ba niya ang kanyang ex-husband, ang former Southborder vocalist na si Brix Ferraris.
Read: Amy Perez has one request for ex-husband Brix Ferraris: "Sana i-divorce na niya ako."
Tinanong namin si Amy tungkol sa dating karelasyon nito dahil nabanggit niya sa kanyang panayam sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Lunes ng hapon, July 17, 2023, na ang relasyon nila noon ni Brix ang isa sa mga mahirap na kanyang pinagdaanan.
Dumating daw siya sa puntong handa siya "to give up life."
Hinamon pa nga raw niya ang Diyos na, "Lord, marami ka pa bang challenges na ibibigay sa buhay ko? Ssige, ibigay Mo na sa aking ngayon. Ibato Mo na lahat sa akin ngayon, tatanggapin ko 'to."
Pahayag ni Amy sa panayam ni Boy Abunda, “Yung marriage ko from my first husband ang pinaka-lowest point, pinakamahirap na natanggap ko sa buong buhay ko.
"Dumating ako sa time na isinurender ko na lahat kay Lord. I said, 'Ayoko na. Wala na.'
"And then He gave me Carlo."
Ang "Carlo" na tinutukoy ni Amy ay ang kanyang second husband na si Carlo Castillo.
Read: Amy Perez has finally found new love
Pagpapatuloy ng TV host-actress, "And that was the time na nakilala ko Siya.
"And I realized na kapag nagpe-pray ka pala, lahat ng mga ipinagdarasal mo, kahit na paulit-ulit mo siyang ipinagdarasal, hindi ka napapagod and you tell God, 'Hindi ko na ito kaya bilang tao,’ you pray and ibibigay Niy.”
Nauunawaan daw ni Amy ang pinagdadaanan ni Pokwang sa estranged partner nitong si Lee O’Brian dahil nga sa kanyang mga karanasan nang humantong sa hiwalayan ang relasyon nila noon ni Brix, na matagal na niyang hindi nakikita at hindi rin nagpapakita sa kanilang anak na si Adi.
“It’s not easy. Roller coaster ang emosyon," sabi ni Amy.
"Kaya sinabi ko nung nakita ko si Pokwang, sabi ko sa kanya, ‘I am praying for you. I pray that one day matapos yung roller coaster of emotions.
"'Look at me now. Hindi man tayo pare-pareho ng pinagdaanan, hindi man pare-pareho yung intensity or level ng pagod, hirap, sakit pero malalampasan mo ito.
“'And that is my prayer for you,' yun ang sinabi ko kay Pokwang.”
Dalawang dekada na ang nakararaan mula nang mapanood si Amy sa isang drama series ng GMA-7, ang Habang Kapiling Ka (2002).
Nakalimutan na ng publiko na dating nang lumalabas ang TV host-actress sa mga programa ng Kapuso Network bago siya nakilala bilang Kapamilya star.
Bumalik si Amy sa bakuran ng GMA-7 ngayong Lunes ng hapon dahil siya ang bisita sa daily showbiz talk show na Fast Talk with Boy Abunda.
Nagkaroon ng katuparan ang pagtuntong ni Amy sa Kapuso station dahil sa partnership ng ABS-CBN at GTV, ang bagong tahanan ng It’s Showtime, ang Kapamilya noontime variety show na kinabibilangan ni Amy.
Read: Vice Ganda on 'It’s Showtime' airing on GTV: “Pinakamatinding plot twist ng taon.”