“Hindi nila ako papanalunin at mag-aartista na lang ako.”
Ito ang deklarasyon ni Herlene Budol nang makausap siya ng Cabinet Files noong June 28, 2023 tungkol sa pagsali niya sa Miss Grand Philippines 2023.
Ginanap ang gabi ng koronasyon ng Miss Grand Philippines 2023 nitong Huwebes, July 13, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagkatotoo ang sinabi ni Herlene dahil hindi nito nakuha ang pinakamimithing Miss Grand Philippines 2023 crown.
Read: Nikki de Moura of Cagayan de Oro crowned Miss Grand Philippines 2023
Pero siya ang nanalo ng Miss Philippines Tourism title.
Si Herlene ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa isang international beauty pageant na magaganap sa London sa November 2023, ayon sa kanyang manager na si Wilbert Tolentino.
Read: Herlene Budol's reaction after winning Miss Philippines Tourism 2023 crown

Si Nikki de Moura ng Cagayan de Oro ang hinirang na Miss Grand Philippines 2023.
Pero kahit siya ang nagwagi, si Herlene ang tunay na panalo nang makuha nito ang atensiyon ng lahat dahil sa kanyang mga paandar sa ibabaw ng entablado—mula sa pagrampa sa swimsuit at evening gown competition, question-and-answer segment at nang koronahan siya bilang Miss Philippines Tourism 2023.
Read: Herlene Budol pinupuntiryang makuha ang Miss Grand Philippines crown
Naaliw ang mga nanood ng coronation night ng Miss Grand Philippines 2023 nang ariin ni Herlene ang entablado na parang siya lamang ang tao sa swimsuit at evening gown competition.

Sumagot sa wikang Pilipino si Herlene sa question-and-answer portion pero gumamit ito ng interpreter na nagsalin ng kanyang sagot sa American language para makatiyak na maiintindihan ng lahat ang mga sagot niya.
Nang tawagin ang pangalan ni Herlene na winner ng Miss Philippines Tourism 2023 crown, hindi nagpakita ng anumang reaksiyon ang Magandang Dilag star kaya nagkaroon ng akalang malungkot siya sa beauty title na kanyang napanalunan.
Hindi naisip ng mga tao na maaaring sinadya ni Herlene ang poker-faced expression nito para lalong mapag-usapan. Kung totoo ang aming duda, nagtagumpay siya na makuha ang pansin ng publiko.

Ilang minuto matapos koronahan, ipinakita ni Herlene ang tunay na nararamdaman sa mga panayam sa kanya dahil nakangiti na siya.
Sabi niya, “Hindi ko po akalain na pang-Tourism po pala yung ganda ko, yung utak ko. At sisiguraduhin ko po na mas gagalingan ko po, mag-aaral pa po ako.
“Ito na yung totoong laban," pagtukoy niya sa pagiging kinatawan ng Pilipinas sa international pageant sa November 2023.
Ipinagmamalaki ni Herlene ang performance na ipinakita niya sa finale night ng Miss Grand Philippines 2023 dahil "101 percent" ang kanyang ibinigay.
Pahayag niya, “Happy po ako sa lahat ng nangyari sa akin ngayon dahil nag-enjoy ako at hindi po masama ang magkaroon ng crown.
"Kahit hindi ho ito ang Miss Grand, pero it’s still a crown.
"Magre-represent pa rin po ako ng Pilipinas at doon ko puwedeng gawin ang gusto ko."