Isa si Liza Lorena sa mga bumilib kay Ai-Ai delas Alas dahil sa magaling na pagganap nitong matandang may Alzheimer’s disease sa Litrato, ang pelikula nila na ipalalabas sa mga sinehan sa July 26, 2023.
Dati nang nagkasama ang dalawa sa ibang mga proyekto. Pero nagulat si Liza nang una nitong makita ang hitsura ni Ai-Ai sa set ng Litrato dahil hindi niya nakilala ang Comedy Queen.
Read: Ai-Ai delas Alas, gaganap bilang lolang may Alzheimer's sa pelikulang "Litrato"
Kuwento ng veteran actress, “Si Ai-Ai, when I first saw her sa set, hindi ko siya nakilala.
"Akala ko ko isa siya sa mga matatanda. Ibang-iba lahat, pati ngipin niya, pati lakad niya and all.
“Sabi ko, 'Ang galing mo naman, yung transformation.' So, yung trabaho ko naman was parang ako ngayon. Si Ai-Ai magaling umarte, nakakaaliw panoorin.”
Mas bata si Ai-Ai kay Liza, pero magkaedad ang mga karakter na ginagampanan nila sa Litrato.
Nagpapasalamat si Liza dahil sa mga proyektong dumarating sa kanya, kahit senior citizen na siya, kaya ikinalulungkot niya ang mga kalagayan ng mga matatandang pinabayaan ng sariling pamilya at naninirahan sa mga home for the elderly.
“First of all, I’m thankful na meron pa akong nagagawa na trabaho, serye or movie. I am thankful na nabibigyan ng pansin ang mga matatanda.
“Yung iba, parang hindi na binibisita sa Home for the Aged, yung iba may pamilya. Pero iba pa rin siguro yung pakiramdam na normal pa ang isip.
“Sana yung iba, maalaala pa rin sila ng pamilya nila na dalawin. Yun ang nakakalungkot, yung parang itinapon ka na lang. Sinusuportahan ka na lang pero hindi na binibisita. Sana hindi ganoon,” panawagan ni Liza para sa pamilya ng mga inabandonang matatanda.
Natuwa at nagpasalamat naman si Ai-Ai nang malaman nito ang mga papuri sa kanya ni Liza tungkol sa mahusay na pagganap niya sa Litrato.
Lubos din ang pasasalamat ni Ai-Ai sa lahat ng mga nagpapadala ng mensahe, kabilang ang mga taong hindi niya personal na kilala pero bilib na bilib sa kanyang pag-arte sa trailer pa lang ng Litrato.
Read: Ai-Ai delas Alas gives a glimpse of her work in a senior care facility in the U.S.
May karapatan siyang magkaroon ng nominasyon at manalo sa kategoryang pinakamahusay na aktres mula sa iba’t ibang award-giving body ang mga natatanggap ni Ai-Ai na papuri at mensahe.
Pero hindi siya umaasa dahil, diumano, mas mahalagang napansin ng publiko ang karakter na pinaghandaan at pinaghirapan niya para maging kapani-paniwala ang kanyang pagganap.