Nangilid ang luha ni Anne Curtis nang makaharap niya nang personal ang magkapatid na sina Reymark at Ronald Molbog, na gumawa ng paraan upang makita siya at mapasalamatan nang personal dahil sa pagtulong na ginawa ng aktres sa kanila noong November 2020.
Naganap ang pagtatagpo ng tatlo sa studio ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes ng hapon, July 11, 2023.
Nasorpresa si Anne nang ibigay sa kanya ng magkapatid ang charcoal portrait nila ng asawang si Erwan Heussaff na iginuhit ni Ronald bilang pasasalamat sa tulong na ipinaabot niya kay Reymark noong panahon ng coronavirus pandemic.
Read: Magkapatid na tinulungan ni Anne Curtis, personal na pinasalamatan ang aktres
Kahit naninirahan sa Australia dahil sa pandemya at kasisilang pa lamang niya sa anak na si Dahlia, si Anne ang nagbayad ng hospital bills nang malaman niyang kapos sa pera si Reymark, na sumailalim sa appendectomy procedure.
Lihim na lihim ang pagtulong ni Anne, pero nalaman ito ng publiko dahil, sa sobrang tuwa at pasasalamat, nag-post si Ronald sa social media tungkol sa kabutihan ng aktres.
Read: Kabutihan ni Anne Curtis 'hindi makakalimutan' ng magkapatid na natulungan niya
Tatlong taon ang hinintay ng magkapatid para maibigay nang personal ang portrait na iginuhit ni Ronald. Nangyari ito sa live guesting ni Anne sa talk show ni Boy sa GMA-7 ngayong Martes ng hapon, July 11, 2023.
Nang matapos ang programa, nagpakuha ng litrato sina Reymark at Ronald l kasama si Anne.
Hindi na nakunan ng TV camera ang paulit-ulit na pasasalamat ni Anne sa magkapatid dahil sa portrait na ipinagkaloob sa kanya.
Naantig ang damdamin ng mga tao sa loob ng studio dahil sa heartwarming scene na kanilang nasaksihan at sa kabutihang ipinamalas ni Anne kina Ronald at Reymark.
ANNE IS BACK TO GMA-7
Mainit din ang pagtanggap ng mga empleyado ng GMA-7 kay Anne nang dumating siya sa GMA Network building. Pinagkaguluhan siya nang husto at napakarami ng mga humiling ng photo op na hindi niya tinanggihan.
Nang makausap ng Cabinet Files si Anne, sinabi nitong thirteen years at hindi dalawang dekada nang huli siyang tumuntong sa bakuran ng Kapuso Network. Nag-guest siya sa mga programa ng GMA-7 nang gawin niya sa GMA Films noong 2010 ang pelikulang In Your Eyes, na pinagbidahan nila nina Richard Gutierrez at Claudine Barretto.
Sa tanong kung handa siyang gumawa ng mga proyekto sa GMA-7, positibo ang sagot ni Anne.
Aniya, “Even before It’s Showtime was on GTV, I was able to do a film with GMA Films and Viva because I am under Viva naman, so I am able still to collaborate with GMA."
Nagsimula ang television career sa GMA-7 noong 12 years old pa lamang siya bago lumipat sa ABS-CBN noong 2003.