Maligayang-maligaya ang magkapatid na Reymark at Ronald Molbog dahil personal nilang naibigay kay Anne Curtis ang art work na simbolo ng kanilang lubos na pasasalamat sa aktres.
Tinulungan ng Kapamilya actress-TV host ang magkapatid sa oras ng matinding pangangailangan sa kasagsagan ng coronavirus pandemic noong November 2020.
Naganap ang pagtatagpo ng tatlo sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes ng hapon, July 11, 2023.
Isa itong malaking sorpresa para kay Anne.

Sinubaybayan ng Cabinet Files ang kuwento ng magkapatid na humingi ng tulong sa publiko dahil wala silang kapera-pera para sa appendectomy procedure noon kay Reymark.
Read: Anne Curtis tumulong sa isang nangangailangang estranghero
Sa pamamagitan ng isang Facebook post noong November 1, 2020, umapela si Ronald sa mga tao dahil hindi niya matiis makitang namimilipit sa sakit ng tiyan ang kanyang kuya na kailangang-kailangan nang sumailalim sa operasyon.
Ibinahagi ni Ronald sa Facebook page nito ang mga artwork niya, kabilang ang charcoal portrait ni Anne, at nilagyan niya ng caption na (published as is):
“Kakapalan ko na po ang mukha ko
"Gusto ko lang po sana humingi ng kaunting tulong para sa operasyon ng kapatid ko
"gusto ko pong ibenta ang artworks ko o pag bigay ng kahit piso lang wala na po talaga kase kaming ibang malapitan
"ang mama ko walang trabaho lahat may sakit din ang papa ko patay na kuya ko na lang bumubuhay samin wala rin sya ngayong trabaho
"lahat ng pwedeng mahingian ng tulong nalapitanna namin pasensya na po kayo sa abala "kahit pag share na lang po neto o piso pisong tulong maraming maraming salamat po sa inyo sa mga gustong tumulong
"kahit dasal na lang po malaking malaking tulong na yun."

Nakita ng mga tagahanga ni Anne ang Facebook post ni Ronald at ipinadala nila sa aktres ang link ng panawagan sa social media.
Nagulat si Ronald nang makatanggap ito ng mensahe mula sa isang taong nagpakilalang assistant ni Anne sa Dream Machine, ang foundation ng TV host-actress na nagbibigay-katuparan sa mga pangarap ng mga karapat-dapat tulungan.
Lahad ni Ronald noon, “Nag-chat po siya sa messenger, nagtanong siya tungkol sa charcoal portrait ni Miss Anne kaso nabenta ko na po ng P1,000 kasi kailangang-kailangan na namin ng pera.
“Tinanong na lang niya ako kung magkano pa ang kailangan sa operasyon ng kuya ko, tapos sila na po ang nagbayad ng lahat ng balanse.”

Ronald (left) and Reymark (right) Molbog
Bilang pasasalamat kay Anne, muling gumawa si Ronald ng charcoal portrait ng aktres kasama ang asawa nitong si Erwan Heussaff, na gusto niyang ibigay nang personal sa aktres.
Noong panahong iyon ay nasa Australia si Anne dahil doon niyang isinilang ang panganay na anak si Dahlia. Pero natagalan ang pagbabalik ni Anne at ng pamilya nito sa Pilipinas dahil sa coronavirus pandemic.
Pagkatapos makatanggap ng tulong mula kay Anne, nag-tweet noon si Ronald sa aktres at ipinakita niya ang kanyang bagong artwork.
Kalakip nito ang mensaheng ito: “Hi Ms. Anne, ako po yung kapatid ni Reymark, yung inoperahan po. Maraming-maraming salamat po ulit sa tulong n’yo sa amin sa operasyon niya.
“Ginawan ko nga po pala kayo ng charcoal portrait. Gusto ko sanang ibigay sa inyo.”
Hindi nabalewala ang tweet ni Ronald dahil nakatanggap agad siya ng sagot mula kay Anne: “Awwww pakisabi sa kapatid. Maraming-maraming salamat. This is so sweet.”
Read: Kabutihan ni Anne Curtis 'hindi makakalimutan' ng magkapatid na natulungan niya
Mula noong 2020 hanggang noong November 2022, nakikipag-ugnayan si Ronald sa awtor na ito dahil gustung-gusto nila ni Reymark na ibigay kay Anne ang portrait na kanyang iginuhit at para personal silang makapagpasalamat sa aktres.
Makalipas ang tatlong taong paghihintay, natupad ang pinakahihintay ng magkapatid dahil napasalamatan nila nang personal si Anne at naibigay ang portrait na matagal nang ginawa ni Ronald.
“Yan po ang pinili ko na i-drawing para kay Miss Anne kasi alam ko po na magiging memorable sa kanya saka marami po kasing kahulugan para sa akin ang portrait na ‘yan,” sabi ni Ronald sa Cabinet Files tungkol sa portrait na kanyang iginuhit mula sa larawan ni Anne noong buntis pa lamang ito sa kanyang anak na si Dahlia.