Hindi lamang ang muntik nang hindi natuloy na pagpapakasal nila ni Billy Crawford noong April 20, 2018, ang ipinagtapat ni Coleen Garcia sa nakaraang digital media conference ng Kung Hindi Lang Tayo Sumuko dahil nagkuwento rin siya tungkol sa kanyang ugali na impatient at impulsive.
“We almost called off the wedding at that time. I didn’t know if I wanted to push through with it or not.
"Sobrang magulo ang utak ko noon. But we got through the wedding, hindi kami sumuko, but almost. Malapit na.
“I think that was also the time pumasok lahat ng challenges.
"You ask yourself, ‘Ano ba ‘tong papasukan ko? Tama ba ‘tong decision that we’re making?’ Doon pumasok lahat ng duda kapag naging reality na siya,” paglalahad ni Coleen sa naging damdamin niya bago sila nagpakasal ni Billy.
Nang tanungin tungkol sa ibang mga bagay o pangyayari na sinukuan niya, isiniwalat ni Coleen na madalas itong sumuko.
“Gawain ko po talaga yung sumuko. Madalas po akong sumuko. I ran away from so many things—from career, to personal relationship.
“Siguro natuto lang ako na lumaban at hindi sumuko nung ikinasal na ako at saka nagka-baby na po ako. I learn how to value yung commitment talaga.
“Siyempre, may limitations din pero ito yung pinakamasasabi ko that I’ve been trying my hardest na hindi sumuko.
“Very impatient and very impulsive person ako. So throughout my life, nagkaroon ako ng maraming hobbies.
“Nagkaroon ako ng maraming lessons, na-try ko nang mag-piano, ballet.
“Ang dami kong hobbies. Painting, mahilig ako sa painting dati 'tapos parang sa sobrang pagka-impatient ko and impulsive, yung meron ako ngayon which is more humility to learn.
“Parang naiinis ako, napipikon ako, sumusuko ako agad 'tapos sinasabi ko, 'Ay hindi ko kaya. Hindi ko na lang ipagpapatuloy,'" sagot pa ni Coleen.
Umamin din siyang hindi marunong sumayaw, na isang rebelasyon dahil siya ang dance partner ni Billy sa isang episode ng French dance competition na Danse avec les stars.

“Dancing, hindi pa rin ako marunong sumayaw. Hindi talaga. Pero kung itinuloy ko yun, sana marunong akong sumayaw.
“Hindi ko naman naisip na mapapadpad ako dito sa entertainment industry.
“Siyempre we try to live with no regrets, pero iniisip ko na sana pinagbutihan ko noon. Sana naging masipag ako noon para I could reap the benefits now. Pero it’s never too late.
“Yun ang mga bagay na puwede naman balikan except yung pagsasayaw. Medyo too late na iyon. Hindi ko talaga kaya. Babawi ako through Amari [ang anak nila ni Billy]. Nasa genes naman niya, e,” pahayag ni Coleen na isa sa mga bida ng Kung Hindi Lang Tayo Sumuko.
Kasama niya sa Viva One original series na ito sina Carlo Aquino at Ryza Cenon.