Beauty queen na ang TV host-comedienne na si Pokwang, sa edad na 52.
Siya ang appointed Mrs. Universe Queen Celebrity Icon Ambassadress 2023 ng Mrs. Universe Philippines Organization na pinamumunuan ng national director na si Charo Calalo.
May sagot naman ang Mrs. Universe Philippines Organization para sa mga nagtataka dahil si Pokwang ang pinagkalooban ng nabanggit na beauty title kahit hindi pa niya nararanasang ikasal kaya hindi siya karapat-dapat tawaging misis.
Ipinaliwanag ng Mrs. Universe Philippines Organization na kuwalipikado na rin para sa titulong Mrs. Universe Philippines ang mga single parent na kagaya ni Pokwang.
Ginanap ang koronasyon ng Mrs. Universe Philippines 2023 sa Rizal Park Hotel noong Linggo ng gabi, June 18, 2023.
Hindi lamang si Pokwang ang kinilala dahil kinoronahan din si Andrea del Rosario bilang Mrs. Universe Philippines Tourism 2023, at si Jean Saburit bilang Mrs. Universe Philippines Classic 2023.

Andrea del Rosario (left) and Jean Saburit (right)
Maligayang-maligaya si Pokwang sa pagkakaroon nito ng beauty title sa gitna ng pagiging abala niya sa pag-aasikaso sa kaso ng deportation ng kanyang ex-live-in partner na si Lee O’Brian.
Read: Pokwang files deportation complaint, visa cancellation vs ex-partner Lee O’Brian
“Masaya ako na kahit papaano, nabawasan ang bigat na nararamdaman ko dahil sa dami ng blessings sa buhay na dumarating, at isa na nga ang pagkakaroon ko ng beauty title.
“O ano? Sa mga pangit na pangit sa akin diyan? It’s a tie!” pahayag ni Pokwang sa Cabinet Files na sinundan niya ng malutong na halakhak.
Ayon kay Pokwang, isang malaking sorpresa ang pagkakapili sa kanya ng Mrs. Universe Philippines Organization bilang beauty titleholder. Sinabi ni Pokwang na gagamitin nito sa kanyang mga adbokasiya ang titulo niya.
“Na-surprise po ako nang sobra dahil ako ang napili nila sa kabila ng hindi naman ako kasal.
“Nakita at sinusuportahan nila siguro ang aking adbokasiya na tumindig para sa mga single mom na pareho ng pinagdadaanan ko pero takot na lumantad dahil mahuhusgahan lamang sila,” lahad niya.
Si Pokwang ay miyembro ng Body Heat Dancers noong dekada '80 bago siya nagtrabaho sa Japan, naging host sa mga comedy club, hanggang maging showbiz personality.
Sa tanong tungkol sa kanyang mga beauty secret para mapanatili ang kagandahan niya, ito ang sagor niya: "Uminom ng maraming tubig, kumain ng gulay, mag-exercise tulad ng boxing, running, at matulog nang maaga."