Nagsimula ang streaming ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan sa Prime Video ngayong Huwebes ng gabi, May 18, 2023.
Ang horror movie na ito ng Regal Entertainment Inc. ay pinagbibidahan ni Joshua Garcia at mula sa direksiyon ng multi-awarded filmmaker na si Chito Roño.
Alas-siete ng gabi nang mag-umpisa ang streaming ng pelikula ni Joshua.
Kahit siya ang bida ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan, binigyan ni Joshua ng pagpapahalaga ang partisipasyon ng veteran actress na si Angie Ferro, ang gumanap na Mama Susan sa pelikula.
Sa kasamaang-palad, hindi nakadalo si Angie sa premiere night ng Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan noong May 11, 2023 kaya hindi pa niya napapanood ang proyektong tinapos nila ni Joshua sa panahon ng pandemya.
Isang malapit na kaibigan ni Angie ang nakausap ng Cabinet Files ngayong Huwebes. Ayon sa kanya, hindi maayos ang kalagayan ng kalusugan ng 85-year-old actress.
Noong May 2022, nanawagan ang mga nagmamalasakit na kaibigan ni Angie para tulungan ito dahil nakaratay siya sa ICU ng isang ospital sa Bulacan at kritikal ang kundisyon matapos madapa.
Bukod sa pagkakadapa, dalawang beses na na-stroke si Angie kaya bukod sa financial help, humihingi rin ang mga kaibigan niya ng panalangin para sa kanyang paggaling.
Read: Veteran actress Angie Ferro in critical condition; colleagues call for financial help
Sa panayam namin kay Joshua sa pictorial nito noon para sa Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan, pinuri niya si Angie at ang ipinamalas nitong propesyunalismo.
Saad niya, "Masaya akong naka-work ko siya. It’s a different experience sa mga veteran actress na nakatrabaho ko.
“Hindi niya ako pinabayaan sa mga scene, kahit naka-focus siya sa mga eksena niya kasi ang haba ng lines niya.
"Kapag may eksena kami, yung lines niya, dalawang page. Hindi kami nahirapan sa kanya kasi kaya pa rin niya magmemorya.”
Read: Joshua Garcia, bilib sa memorya ng veteran actress na si Angie Ferro
Nahihirapan nang kumilos si Angie buhat nang maratay siya sa ospital.
Posibleng ang Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ang kanyang swan song o huling pelikula kaya higit itong dapat panoorin at suportahan.