Ang Fashion at Charity Gala Night ng Miss Universe Philippines 2023, na kasalukuyang nagaganap sa Okada Manila, ang unang pagtitipon na dinaluhan ni Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel mula nang dumating siya sa Pilipinas nitong Miyerkules, May 10, 2023.
Sinalubong si R’Bonney sa Ninoy Aquino International Airport ng mga magulang niyang nauna nang umuwi sa bansa mula sa Amerika—ang kanyang Pilipinong tatay na si Remigio Bonzon Gabriel at American mother na si Dana Walker.
Dumalaw si R’Bonney sa bayang sinilangan ng kanyang ama dahil isa siya sa mga inimbitahan para maging hurado sa gabi ng koronasyon ng Miss Universe Philippines 2023 na idaraos sa Mall of Asia Arena sa darating na Sabado, May 13.
Ang mga Filipino designer na sina Rian Fernandez at Patrick Isorena ang mga gumawa ng gown at national costume, respectively, na ginamit ni R’Bonney nang manalo ang Filipino-American beauty queen sa 71st Miss Universe sa New Orleans, Louisiana, USA noong January 14, 2023.
Hindi pa nakikilala nang personal ni Patrick si R’Bonney, pero hindi siya sigurado kung magkakaroon sila ng pagkakataong magkita habang naririto sa Pilipinas ang reigning Miss Universe.
“I am not sure pa po,” sabi ni Patrick nang makausap namin siya ngayong gabi tungkol sa posibilidad na pagtatagpo nila ni R’Bonney nang personal.
Tanging ang mga magulang ng Fil-Am beauty queen ang nakilala ni Isorena dahil umuwi ng Pilipinas ang Gabriel couple noong December 2022 para personal na kunin mula sa kanya ang "Pasan Ko Ang Daigdig-inspired national costume ni R’Bonney sa 71st Miss Universe.
Si Rian Fernandez naman ang gumawa ng gown ni R’Bonney.
Siya rin ang designer ng mga gown nina Miss Baguio Krishnah Marie Gravidez at Miss Cavite Samantha Panlilio, na parehong standout sa Evening Gown Preliminary Competition ng Miss Universe Philippines 2023 na nangyari naman sa Okada Ballroom nitong Miyerkules ng hapon, 2 p.m.
Noong nakaraang taon, ang aktres na si Michelle Dee ang hinirang na Best in Gown sa Miss Universe Philippines 2023 dahil sa kanyang evening gown na likha ng fashion designer na si Francis Libiran.
Sa kanyang muling pagsali sa Miss Universe Philippines 2023, pinili ni Michelle na gamitin ang gown na ginawa ng fashion designer na si Mark Bumgarner.
Si Bumgarner din ang gumawa ng Filipiniana-inspired gown ni R'Bonney sa Fashion and Charity Gala Night ng national pageant.
