Kahit palabas pa rin sa mga sinehan ang special edit o cinematic experience ng Voltes V: Legacy hanggang bukas, May 9, 2023, panonoorin pa rin nina Miguel Tanfelix, Ysabrel Ortega, Radson Flores, Raphael Landicho, at Matt Lozano ang premiere telecast ng kanilang primetime action-drama series sa GMA-7 ngayong Lunes ng gabi, May 8, 2023.
Limang beses pinanood nina Miguel at Radson ang movie version ng Voltes V: Legacy, tatlong beses si Raphael, at walong beses na nanood sa sinehan si Matt.
Ang Voltes V: Legacy ang biggest television assignment ni Matt, na umiyak nang walong beses habang nanonood sa sinehan. Memoryado na rin niya ang linya ng kanyang mga co-star.
Tatlong taong ginawa ni Matt ang Voltes V: Legacy, na naantala ang taping dahil sa coronavirus pandemic, kaya alam niyang mapapansin ng televiewers ang mga pagbabago sa kanilang mga pisikal na kaanyuan.
“May times kasi na two months kami na hindi nakakapag-taping so ang hirap lang, kapag may continuity kasi yung karakter, minsan mapapagpag mo.
“Ang feeling ko, may times na mapapansin ang pagbabago, like sa buhok ni Miguel. Yung sa akin kasi, isa lang naman ang gupit sa akin so hindi masyadong mahahalata.
“Si Rap-rap [Raphael] yung mukhang bata sa ibang mga eksena tapos lumaki na siya!” natatawang kuwento ni Matt sa eksklusibong pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files.
Read: Director Mark Reyes reveals original cast considerations for Voltes V: Legacy
Malaki ang pasasalamat ni Matt na kasama siya sa cast ng Voltes V: Legacy dahil nakikilala na siya ngayon ng mga taong nakakasalamuha niya.
“Big Bert ang tawag nila sa akin," banggit niya sa pangalan ng kanyang karakter.
"Like, kanina, nagda-drive ako papunta sa GMA-7, wala kasing tint ang kotse ko., tinatawag ako ng mga bata na 'Big Bert, Big Bert!'”
Samantala, kinumpirma ni Marie Landicho na nakaramdam siya ng lungkot, pati ang kanyang anak na si Ralph, dahil muntik na itong mawala sa cast ng Voltes V: Legacy.
Si Marie ang ina ng child actor na gumanap na Little Jon.

Pitong taon lamang ang edad ng kanyang anak nang ipakilala ito bilang cast member ng Voltes V: Legacy. Sampung taon na ngayon si Ralph.
Nagpapasalamat si Marie dahil dininig ng Diyos ang kanilang panalangin na huwag palitan ng ibang aktor ang kanyang anak na mabilis lumaki at nagbago ang hitsura habang ginagawa niya ang Voltes V: Legacy.