Ang Babaing Hampaslupa ang isa sa mga hindi malilimutang proyekto nina Maricel Soriano at Edu Manzano dahil dito nagsimula ang kanilang kontrobersyal na relasyon na pinagpistahan noon ng buong bansa.

Ang Babaing Hampaslupa ang pelikula ng Regal Films na ipinalabas sa mga sinehan noong November 16, 1988 at hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng publiko ang pagkakamabutihan noon nina Maricel at Edu.
Sa unang araw ng pagbubukas sa mga sinehan ng pelikula, nagkaroon ng theater tour ang dalawa at kitang-kita ng mga tao ang sobrang pag-aalaga ni Edu kay Maricel habang nasa ibabaw sila ng bubong ng bus na kanilang sinasakyan sa harap ng New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Umakyat sina Maricel at Edu sa bubong ng bus para masilayan silang mabuti ng napakaraming tao na nagkakagulo at nakapaligid sa sasakyan nila kaya nagsara ang kahabaan ng General Aguinaldo Avenue ng Araneta Center.
“You and me against the world” ang kuwento ng pagmamahalan nina Edu at Maricel dahil kalaban nila noon halos lahat ng mga miyembro ng entertainment press hanggang magdesisyon sila na magkaroon ng pribadong kasal noong July 1989, pero humantong din sa hiwalayan noong 1991 ang kanilang pagsasama.
Fast forward to May 6, 2023. Si Edu ang special guest ni Maricel sa bagong episode ng YouTube channel nito at marami ang kinilig sa kanilang pagpapalitan ng mga kuwento at opinyon.

May mga nabitin sa panayam ni Maricel kay Edu kaya humihiling sila ng Part 2 ng pag-uusap ng ex-couple na may kanya-kanya nang buhay pero nananatili bilang magkaibigan.
“Magkaibigan tayo despite how our marriage ended. Nananatili tayong magkaibigan. Do you know that I am so proud of this? Yung friendship natin,” ang may pagmamalakinh pahayag ni Maricel sa isang bahagi ng pagkukuwentuhan nila ng aktor na tinawag niyang “asawa ko dati.”
“We’re very patient with each other. We have very good balance,” ang reaksyon ni Edu sa sinabi ni Maricel.
“Hindi natin sinisiraan ang isa’t isa sa ibang tao. It was never that way. When we see each other, naging napaka-genuine naman, no hurt feelings sa isa’t isa so I think maganda yung ating pundasyon.”
Ang pagiging “hoarder” ni Maricel dahil sa pagbili nito ng mga bagay (tulad ng lotion, wipes at disinfecting products) na kanyang nagugustuhan ang isa sa mga rebelasyon ni Edu tungkol sa ugali ng kanyang dating asawa noong nagsasama pa sila.
Banggit din ni Edu, “Si Maricel, ayaw nale-late. Ayaw niyang may nag-aantay sa kanya.” Masasabing isa itong pruweba ng pagiging propesyonal ng aktres na tinagurian na Diamond Star ng Philippine Cinema.
Ikinuwento naman ni Maricel ang isang insidenteng hindi niya makalimutan: ang pagluhod ni Edu sa kalsada dahil nahuli ito na dumating sa kanilang kasunduan.
“Nagte-taping ako ng Maricel Drama Special. So ang sabi niya, darating siya ng ganitong oras. Siyempre, wala ang Manzano, hindi dumating.
“Pero pack-up na ako. So umandar na ako. Nakasalubong mo ako. Ini-stop mo yung kotse mo, doon sa place kung saan nagkasalubong.
“Bumaba ka. Yung baba mong yun… nagluhod ka na, papunta sa akin. Nagluhod na yan. Nakaluhod, ‘Sorry, sorry, sorry, sorry, sorry. Honey, sorry sorry, sorry!” ang natatawang salaysay ni Maricel tungkol sa eksena na ginawa ng kanyang ex-husband.
Hindi lamang kinilig ang mga nanood sa pag-uusap at pagbibiruan nina Maricel at Edu dahil may mga nangangarap ding magkabalikan sana sila kahit tatlumpu’t apat na taon na ang nakalilipas mula noong wakasan nila ang kanilang pagmamahalan.