Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na kontrolado nila ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kaya walang dapat ikabahala ang mga nag-aalalang kamag-anak ng mga bilanggo.
Mahigit sa limampu ang bilang ng inmates na nagpositibo sa COVID-19 kaya nagtayo ng mga tent sa labas ng NBP Hospital na nagsisilbi bilang isolation facility ng mga pasyente mula sa maximum security compound.
Ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NBP ang dahilan kaya ipinagbawal muna ang pagbisita sa mga preso ng kanilang mga kamag-anak.
Dalawang aktor na magkapangalan ang nakakulong sa NBP — sina Dennis Roldan at Dennis Da Silva.
Nakapiit si Dennis Roldan mula pa noong August 2014 dahil sa kasong kidnapping.
Read: Dennis Roldan gets guilty verdict for kidnapping Filipino-Chinese boy in 2005
Mula sa Taguig City Jail, inilipat naman si Dennis Da Silva sa NBP noong February 2021.
Read: Former matinee idol Dennis Da Silva gets life imprisonment for rape, four years for child abuse
DENNIS DA SILVA
Dalawampu’t isang (21) taon nang nakakulong si Dennis dahil sa rape case na kinasangkutan niya noong 2002.
Unang nabilanggo ang dating aktor sa Pasig City Jail.
Noong February 19, 2023, ginunita ni Dennis sa NBP ang kanyang ika-50 taong kaarawan.
Likas na tahimik ang ugali ni Dennis kaya hindi ito nagkaroon ng selebrasyon. Dinalhan lamang siya ng kanyang asawa na si Tina King Da Silva ng mga paborito niyang pagkain—spaghetti, barbecue, at isaw.
Nagpapasalamat si Tina sa mabilis na aksyon ng BuCor para maagapan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NBP.
Kinumpirma niya rin sa Cabinet Files ang balitang ipinagbawal muna ang pagdalaw ng mga pamilya ng bilanggo.
“Inalis nga po ang dalaw simula this week kaya naapektuhan ang aming visitation rights.
“Pero maganda rin ang ginawa nila. Mabuti nga, naghigpit agad sila.
"Pero sana huwag maging matagal kasi sa init ng panahon at walang dalaw, I’m sure, marami na naman ang mabuburyong na baka pagsimulan ng away at gulo sa loob,” pahayag ni Tina sa pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files ngayong Biyernes ng umaga, May 5, 2023.
Kumusta naman si Dennis?
Saad ng maybahay ng dating aktor, “Mabuti naman po ang kalagayan ni Dennis dahil nadalaw ko pa siya noong Tuesday, last week, pero super init po talaga sa loob.
“Parang nagpapahinga lang sila dahil napasabak sila sa trabaho last week. Anniversary kasi ng Sputnik kaya marami ang dumalaw.”
Tiniyak din ni Tina na hindi makararanas ng gutom ang mga preso kahit pansamantalang ipinagbawal ang mga bisita dahil may mga pagkaing mabibili sa NBP compound.
Read: Pinoy celebrity convicts, kumusta nitong mga nakalipas na Pasko?