Maayos na ang pakiramdam ni Boobay mula nang magkaroon ito ng silent o mild seizure sa live guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong Huwebes, Abril 20, 2023.
Sinabi ni Boobay sa mga nangumusta sa kanyang kalagayan na mahaba ang tulog niya noong Biyernes, Abril 21, kaya nakapagpahinga siya.
Sa panayam sa kanya ni Boy sa Fast Talk, ipinagtapat ng komedyante na nagsimula ang kanyang mga silent seizures buhat nang magkaroon ng stroke noong November 2016.
"Sinabi naman sa akin ng doktor before na mangyayari talaga after nung ma-ospital ako, maaaring mag-hang ako,” ang lahad ni Boobay na aminadong mali ang kanyang mga ginagawang pagpupuyat bago tumanggap ng mga trabaho.
READ: Boobay, "nag-hang" habang ini-interview sa Fast Talk With Boy Abunda
BOOBAY ON EX-BF KENT RESQUIR
Samantala, isa sa mga nag-alala kay Boobay ay ang kanyang ex-boyfriend, ang physiotherapist na si Kent Resquir.
Kahapon, nag-post sa Facebook si Kent tungkol sa El Nido trip nila ng komedyante, pero hindi nito binanggit kung kelan ito nangyari.
Sa Thursday guesting ni Boobay sa Fast Talk with Boy Abunda, nakangiti pero bakas sa mga mata ni Boobay ang kalungkutan nang ikuwento nito ang huling pagkikita nila ni Kent noong nakaraang buwan.
Hindi pa rin matanggap ni Boobay na nagwakas noong July 2021 ang siyam na taong relasyon nila ni Kent, na matiyagang inalagaan ang komedyante nang ma-stroke siya.
Naninirahan na ngayon si Kent sa Australia.
Sabi ni Boobay, "Tinry ko pa rin siyang ilaban talaga. Nung umuwi siya this year, itong March lang, tinry ko pa rin.
"Pumunta kami ng Palawan kasi nga sabi, para makapag-break, pero yung talagang point kaya ako nagpunta doon, baka ma-realize niya na puwede pa rin kasi may pangako kami sa isa’t-isa before kaya siya pumunta ng Australia.
"Na kapag stable na siya roon, e, susunod ako doon at doon na kami together. Siguro, umasa ako na baka matupad, pero hindi nga nangyari.
"But sabi ko, kung hindi man magkabalikan, at least, may ma-save kami, kahit friends lang kami kasi sayang naman.
"We are friends today. Okay naman kami,” ang sabi ni Boobay.
Ayon pa sa Kapuso star, nagkaroon na ng dalawang relasyon si Kent mula nang manirahan ito sa Australia.
Pero sa parte niya, tila hirap siyang maka-move on. Isang eyewitness ang nagkuwento sa Cabinet Files na kamakailan lang, nagkaroon ng silent seizure si Boobay nang tanungin ito tungkol kay Kent.
Samantala, kahit sinasabi ni Boobay na normal na ang pagkakaroon nito ng mga silent seizures, labis pa rin ang pag-aalala ng kanyang mga kaibigan at pamilya dahil napapadalas ang pagsumpong ng karamdaman niya.
READ Boobay, nagbitiw ng mga salitang ipinangamba ng mga kaibigan at nagmamalasakit sa kanya
Nasaksihan ito ng mga talents ng GMA-7 na dumalo ito sa GMA Gala Night noong July 2022.
At may mga kasamahan siya sa trabaho na napapansin ang biglang pag-atake ng kanyang sakit kapag may mga television taping siya at show sa mga comedy bar, kaya paulit-ulit ang payo ng mga nagmamalasakit sa komedyante na alagaan nitong mabuti ang sarili.
Itong recent guesting niya sa show ni Boy, buong Pilipinas ang nakasaksi sa kanyang kundisyon, isang katotohanang mahirap itago o pagtakpan dahil bukod sa napanood ito sa national television, pinagpasa-pasahan na sa social media ang viral video clip.