Hindi natitinag ang Maria Clara at Ibarra sa number position ng Top 10 TV Shows sa Netflix Philippines mula nang mag-umpisa noong April 14, 2023 ang streaming ng Kapuso drama series na pinangungunahan nina Dennis Trillo, Julie Anne San Jose, David Licauco, at Barbie Forteza.
Pumapangalawa sa Maria Clara at Ibarra ang Queenmaker, ang South Korean political drama series na pinagbibidahan ni Kim Hee-ae.
Read: Kang Ha Neul beats Hyun Bin and Park Seo Joon at Baeksang Arts Awards 2020

Pamilyar sa mga Pilipino si Kim Hee-ae dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa The World of the Married na nagkaroon ng Philippine version, ang The Broken Marriage Vow na tinampukan nina Jodi Sta.Maria, Sue Ramirez, at Zanjoe Marudo.
Read: Battle of Doctor Foster trailers: The World of the Married vs. The Broken Marriage Vow

Kim Hee-ae in Queenmaker
Nananatili sa pangalawang puwesto sa Top 10 TV shows sa Netflix Philippines ang Queenmaker. May labing-isang kabanata ito at kapana-panabik ang bawat eksena na mabenta sa panlasa ng mga Pilipinong mahihilig sa mga Korean drama series.
May isang eksena sa Episode 7 ng Queenmaker na tumatak sa mga Pinoy dahil sa malutong na pagmumura sa Tagalog ng karakter ni Angela, ang gumanap na Filipina nanny o yaya ng kambal na anak ni Eun Chae-ryeong na binigyang-buhay ng Korean actress na si Kim Sae-byuk.
Hindi tunay na Pilipino ang gumanap na Angela dahil isa siyang Indonesian, si Yannie Kim na madalas na nabibigyan ng bit roles sa mga Korean TV series.
Ginampanan naman ni Ryu Soo-young ang papel ni Baek Jae-min, ang mayoral candidate na sagad sa buto ang kasamaan at kalaban ng karakter ni Kim Hee-ae.

Ryu Soo-young in Queenmaker
May "koneksiyon" si Ryu Soo-young sa Philippine cinema dahil siya ang bidang lalake sa Summertime, ang controversial Korean erotic movie na ipinalabas sa mga sinehan sa South Korea noong May 26, 2001.

Ang Summertime ang Korean adaptation ng Scorpio Nights, ang equally controversial 1985 film ng direktor na si Peque Gallaga. Pinagbidahan ito nina Anna Marie Gutierrez, Daniel Fernando, at Orestes Ojeda.
Nakilala nang husto si Ryu Soo-young sa South Korea noong 2001 dahil sa kanyang mapangahas na pagganap sa Summertime, na unang pelikula niya.
Nagkataong unang pelikula rin ni Daniel Fernando ang Scorpio Nights, at ang role niya sa pelikula ang ginampanan ni Ryu Soo-young sa Summertime.

Daniel Fernando and Anna Marie Gutierrez in Scorpio Nights
Matagal nang nabura ang sexy image ni Daniel, na naglilingkod ngayon bilang gobernador ng lalawigan ng Bulacan.
Hindi nagkakalayo ang mga kapalaran nila ni Ryu Soo-young. Burado na rin ang pagiging sexy actor ni Ryu Soo-young dahil napatunayan nito ang kanyang talento sa pag-arte matapos na magbida siya sa Summertime.