Kabilang si Edu Manzano sa mga pararangalan sa 8th One La Salle Night of Excellence na magaganap sa April 15, 2022.
Ito ay dahil sa kanyang patuloy na pagtulong sa iba’t ibang mga organisasyon na tumutupad sa mga pangarap, nagpapabuti sa kabuhayan at kalusugan ng mga kababayan nating nangangailangan.
Si Edu ang Distinguished LaSallian Achievement Awardee for Philanthropy dahil sa kanyang mga kontribusyon sa Bahay Pag-Asa, La Salle Alternative Education, at Adrian Manzano Cancer Wing ng Philippine Children’s Medical Center.
Nag-aral si Edu sa La Salle mula grade school hanggang college.
Hindi nakaligtas sa pamunuan ng paaralan ang pagiging pilantropo niya na naging basehan para kilalanin ang kanyang mga ginagawang pagtulong.
Ang Bahay Pag-Asa ay isang child-care institution na nag-aalok ng short-term residential care para sa mga kabataang nasasangkot sa mga kaso, napapabayaan, inaabandona o nakararanas ng pang-aabuso.
Nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng La Salle sa Department of Justice para matulungan at mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng magandang kinabukasan at mabigyan ng trabaho ang mga bata sa Bahay Pag-Asa na nakikitaan nila ng potensiyal na maging kapani-pakinabang sa lipunan.
Bukod kay Edu, ang ilan pa sa mga entertainment personality na tumutulong sa Bahay Pag-Asa ay sina Jose Mari Chan at Joel Torre.
Nang magwagi si Edu ng isang milyong piso nang sumali siya sa game show na Game KNB ilang taon na ang nakalilipas, hinati at ibinahagi niya sa Don Bosco, Tennis Academy (para sa aspiring tennis players), at sa La Salle Greenhills Alternative Education (dating Adult Night High School) ang kanyang perang napanalunan.
Ang La Salle Greenhills Alternative Education ang programa ng La Salle na nagbibigay ng oportunidad sa mga kasambahay at sa ibang mga Pilipino na walang kakayahang makapag-aral na makatapos ng high school kahit mga senior citizen na sila.
Benefactor din si Edu ng The Adrian Manzano Cancer Wing ng Philippine Children’s Medical Center, na ipinangalan mula sa kanyang namayapang ama, na tumutulong sa mga kabataang may kanser.
Hanggang sa kasalukuyan at kahit noong magkaroon ng coronavirus pandemic, hindi naputol ang suporta ni Edu sa mga nabanggit na institusyon kaya siya ang nag-iisang showbiz personality na pararangalan ng La Salle dahil sa kanyang mga gawaing pilantropo.