Simula sa April 10 hanggang April 14, 2023, limang araw na ipagdiriwang ni Dingdong Dantes at ng production staff ng Family Feud ang unang anibersaryo ng kanilang top-rating program.
Bumalik at napanood ang international game show sa GMA-7 buhat noong March 21, 2022.
May dahilan para magbunyi at magpasalamat ang Family Feud host at staff dahil hindi madaling bumuo ng game show na isang beses sa isang linggo lamang na napapanood sa iba’t ibang bansa pero limang araw na natutunghayan sa Pilipinas.
Mag-uumpisa ang anniversary celebration ng Family Feud sa Lunes, April 10, sa pamamagitan ng tunggalian ng mga artista ng Unravel, isa sa mga official entry sa 1st Metro Manila Summer Film Festival na magsisimula sa April 8, 2023.
Makakalaban ng grupo ni Kylie Padilla ang team ni Gerald Anderson, ang leading man niya sa Unravel.
Ang partisipasyon ni Gerald sa Family Feud ang unang pagkakataong pagtuntong ng Kapamilya actor sa studio ng Kapuso Network.
Hindi naman natanggihan ni Boy Abunda ang imbitasyon ni Dingdong na maglaro para sa anniversary presentation ng Family Feud sa Martes, April 11.
Kasama ni Boy sa kanyang Team Fast Talk sina Arnold Reyes, Drew Arellano, at ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas.
Makakaharap ng Team Fast Talk ang Team Keridas, ang mga artista ng Ten Little Mistresses na kinabibilangan nina Carmi Martin, Arci Muñoz, Sharlene San Pedro, at Adrianna So.
Ang guesting ni Arci sa game show ni Dingdong ang hudyat ng pagbabalik niya sa network na nagbigay sa kanya ng malaking break sa showbiz bago siya lumipat sa TV5 at ABS-CBN.
Si Arci ay produkto ng reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck.
Sa April 12, ang Team TiktoClock nina Kim Atienza, Rabiya Mateo, Faith Da Silva, at Jayson Gainza ang makakatapat ng Hearts On Ice Family na pinangungunahan nina Tonton Gutierrez, Amy Austria, Skye Chua, at Ina Feleo.
Para sa Huwebes, April 13, ang Ben&Ben ang magpapakitang-gilas sa Family Feud.
Hinati sa dalawang grupo ang mga miyembro ng Ben& Ben: National Anteam ang pangalan ng koponan nina Paolo Guico, at Teampered Glass naman ang team nina Miguel Guico.
Resbak o wildcard episode ang mapapanood sa Biyernes, April 14, dahil kasama ang kani-kanilang pamilya, muling maglalaro sa Family Feud Philippines ang team ng mga dating child superstar na sina Matet de Leon at Ice Seguerra.