Nakalabas na si Gardo Versoza mula sa Cardinal Santos Memorial Medical Center matapos niyang atakehin sa puso noong March 28, 2023, at naratay sa ICU ng nabanggit na ospital.
Sumailalim si Gardo sa angioplasty para maalis ang bara sa dalawang ugat na pinagdadaluyan ng dugo patungo sa puso at dahil sa kundisyon niya, isang bara muna ang inalis ng kanyang doktor.
Read: Gardo Versoza suffers heart attack from "too much exercise"
“Medyo okay na po siya kaya pinayagan muna siya ng kanyang mga doktor na makauwi," sabi ni Ivy Vicencio, ang asawa ni Gardo, nang makapanayam siya ng Cabinet Files ngayong Miyerkules, April 5.
“Yung second angioplasty niya, naka-schedule two to three months from now. Hindi napagsabay ang angioplasty dahil may heart attack na nangyayari.
“Ang sabi po ng cardiologist niya na si Dr. Encabo, bawal pa po sa kanya ang mga strenuous activity kaya ngayon po, magpapahinga lamang muna siya sa bahay.”
May mga hinala ang mga doktor ni Gardo na ang atake nito sa puso ang resulta ng pamimisikleta niya mula Pasig City hanggang Tarlac kaya mahigpit na ipinagbabawal sa kanya ang magpagod.
Sa mga hindi nakakaalam, bukod sa pamimisikleta sa mga lugar na malalayo, regular ang workout o pag-eehersisyo ni Gardo na hindi rin mabuti sa pangangatawan kapag nasobrahan.
Inulit ni Ivy ang taos-pusong pasasalamat niya sa lahat ng mga nagdasal para sa mabilis na paggaling ng kanyang asawa.
“Maraming-maraming maraming salamat po sa lahat ng mga nagdasal at nag-alala kay Gardo.
“Sa sobrang dami ninyo po, hindi ko na masagot ang mga private message, mga comment at tawag ninyo. Pasensiya na po. Again, taus-puso po na pasasalamat sa inyong lahat,” mensahe ni Ivy, na iniukol at ginugol ang kanyang panahon sa pag-aalaga at pag-aasikaso kay Gardo habang nakaratay ito sa ospital.
Ang pagsubok sa kalusugang naranasan ni Gardo at ang paggaling nito ang lalong nagpapatag ng pananampalataya nila ni Ivy sa Panginoong Diyos.
Sa huling Instagram post ni Gardo, isang panalangin ang ibinahagi niya sa kanyang social media followers.
Aniya: “Dear God, we place our worries in your hands. We place our sick under your care and humbly ask that you restore your servant to health again.
“Above all, grant us the grace to acknowledge your will and know that whatever you do, you do for the love of us. Amen.”