Hindi makapaniwala ang online seller at businesswoman na si Anna Magkawas na magkakaroon siya ng television career.
Siya ang kinuha ni Gerry Santos bilang segment host ng Ka-Negosyo Goals, ang programa para sa entrepreneurs na napapanood sa ALLTV tuwing Linggo, 11:30 a.m.
Read: ALLTV, pinapasok pa rin ng blocktimers sa kabila ng mga isyu
Si Gerry ang CEO ng Mr. Freeze, ang kanyang matagumpay na tube ice business, at nakumbinsi raw siyang maging host ng Ka-Negosyo Goals dahil sa layunin niyang makatulong sa mga Pilipino na negosyante.
Nalaman ni Gerry ang success story ni Anna kaya inimbitahan niya ang founder at CEO ng Magkawas Beauty and Wellness OPC para maging bahagi ng kanyang programa sa ALLTV.
“Nakita ko na very inspiring ang story ni Anna. Mas marami pa siyang mai-inspire na mga tao lalo na sa low-income people na merong pag-asa.
“Ang ganda ng story ni Anna, galing siya sa hirap tapos nandito siya ngayon. Perfect siya sa Negosyo Goals,” pahayag ni Gerry nang ipakilala si Anna bilang segment host ng Ka-Negosyo Goals.
Ni minsan, hindi raw pumasok sa isip ni Anna na darating ang panahon na mapapanood niya ang sarili sa telebisyon dahil vlogging at TikTok lamang ang kanyang nakasanayan na gawin.
Pahayag niya, “Nagba-vlog lang ako, nagti-TikTok, pero never ko pang nagawa ang television hosting. Positive po ako sa kung anuman yung mga mangyayari.
“Sobrang happy ko. Naghahalo yung saya. Nandoon din yung parang takot and, of course, the excitement kasi iniisip ko, 'Kaya ko ba? Kaya ko ba na mag-host, tapos sa TV?'
"First time ko po na gagawin ito."
Ayon kay Anna, wala siyang paghahandang ginawa bilang segment host dahil gusto niyang mapanood siya ng mga tao bilang siya.
“For me, ayokong lumabas sa TV na ibang Anna. Mas gusto ko na kung paano nila ako nakilala sa social media, same Anna pa rin, pero more on the business side ang ipapakita ko sa segment ko.
“Ang gusto lang naming i-impart sa mga tao kung paano si Anna sa harap ng kamera.”
Electronics and Communication Engineering graduate si Anna, pero dala ng kahirapan, hindi na siya kumuha ng board exam dahil sa kawalan ng panggastos.
Ang desisyon ni Anna na magtrabaho agad ang dahilan kaya nagtampo ang kanyang mga magulang.
Lahad niya, “ECE ang course ko kasi yung kuya ko, nakikita ko noong maliit pa ako, may dala-dalang tube ng Staedtler.
"So, parang na-foresee ko yung sarili ko na gusto ko rin ng ganoon. Naglalakad ka na may dalang ganoon, parang ang tali-talino mo.
"Pero nagtampo ang parents ko kasi parang expected nila na magkakaroon sila ng anak na engineer."
Pagpapatuloy ni Anna, “Hindi na ako nag-take ng board exams. After graduation, nakipagsapalaran na agad ako sa Maynila, naghanap ng trabaho.
“For me kasi, gastos. Kailangan ko pa maghanap ng boarding house para mag-review, e, mahirap nga po kami so kailangan ko nang magtrabaho.
“Nung nakita naman po nila yung bunga ng mga nangyari, wala na silang tampo. Na-happy naman po sila sa resulta.”
Mula nang maging matagumpay ang mga negosyo ni Anna, may mga lumapit at nagtanong sa kanya kung papayag ba siyang isadula sa telebisyon ang kuwento ng buhay niya dahil nagbibigay ito ng inspirasyon at kapupulutan ng mga aral.
Tumanggi si Anna dahil sa paniniwala niyang hindi pa siya handa at may tamang panahon para isadula ang kanyang mga pagpupunyagi sa buhay.
“Sabi ko hindi na muna kasi, ang feeling ko, hindi pa ito ang right time. Marami pa akong dapat patunayan kasi nagsisimula pa lang ako.
“Bago pa lang ako pumasok sa skin care brand at, for me, wala pa tayo sa pinaka-exciting part,” aniya.
Nang tanungin kung sino ang aktres na gusto niyang gumanap na Anna kung sakaling pumayag siyang isadula ang kuwento ng kanyang buhay, ang pangalan ni Maja Salvador ang sinabi ni Anna.
“Maja Salvador kasi kamukha ko raw. Marami po ang nagsasabi.
"Yes, why not, kung gugustuhin ni Miss Maja,” nahihiyang sagot ni Anna.