Walang alam ang publiko tungkol sa personal na buhay ni Empoy Marquez dahil malihim ito, pero sa nakaraan na press conference ng Kidnap for Romance, sinabi niya na wala siyang karelasyon sa kasalukuyan.
“As of now, wala po akong love life pero may kalaro po ako lagi.
“Tulad nga ng sabi ni AA [palayaw ni Cristine, ang kapareha niya sa Kidnap for Romance], ‘Private life is the better life with the time,'” pahayag ni Empoy.
Naging seryoso naman ang mukha niya nang sabihin na, “Mula po kasi noong medyo nasaktan ako before, ngayon may asawa na iyon, natakot akong sumubok uli. Pero I think darating naman yung bigay ni God sa atin.”
Mahirap maarok kung seryoso ang mga deklarasyon ni Empoy tungkol sa love life nito dahil sinundan niya ng “Joke!” ang kanyang mga salita na binitiwan.
Nang tanungin sa ugali ni Cristine na natuklasan niya habang ginagawa nila ang Kidnap for Romance, “makulit” ang kanyang leading lady, ang sagot ni Empoy.
“Kapag walang take, si AA sobrang kulit niyan. Gusto niya TikTok-TikTok. Sobrang game siya. Mga komedyante ang kasama namin pero yung mga komedyante na iyon, kay AA natatawa.
"Du’n ako bilib sa kanya, nakakatawa siya sa totoong buhay.”
Noong July 2017, gumawa ng kasaysayan sa industriya ng Pelikulang Pilipino ang Kita Kita dahil sa hindi inaasahan na box-office gross nito na P320 million.
Ang Kita Kita ang romantic comedy movie nina Empoy at Alessandra de Rossi.
At dahil sa phenomenal success nito, hiningi ang reaksyon ng 42-year-old comedian tungkol sa pressure na kanyang nararamdaman para sa pelikula nila ni Cristine na meron nang mahigit sa anim na milyon na views ang official trailer at ipalalabas sa mga sinehan sa September 6, 2023.
“Masasabi ko na iba yung tandem namin ni Miss Alessanda da Rossi.
"This 2023 naman, nagkasama kami ni Cristine, ibang flavor naman po yung ipapatikim namin.
“Para sa akin, enjoy lang po at ang hangarin namin ay makapagpasaya ng tao,” ang sabi ni Empoy na natutuwa dahil nagustuhan ng mga tao ang trailer ng upcoming movie nila ni Cristine.