TRIGGER WARNING: Drug addiction, self-harm
Nakapaninibago ang JM de Guzman na humarap sa entertainment writers sa intimate media conference ng pelikulang Adik Sa 'Yo na ginanap sa Botejyu Japanese restaurant, sa Vertis North, nitong Sabado ng tanghali, April 1, 2023.
Naging mapagbigay ang 34-year-old actor sa pagkukuwento ng mga nangyari sa kanyang buhay noong nalulong siya sa masamang bisyo.
“Recovering addict” ang karakter na ginampanan ni JM sa pelikula na pinangungunahan nila ni Cindy Miranda, at hindi siya natakot na ibahagi ang mga personal na karanasan.
Read: JM de Guzman remembers the day he went into rehab after drug relapse
“Sobrang naka-relate ako sa character. Sobra-sobra," sabi ng aktor.
"Actually, marami rin ang trigger points sa akin kasi nakita niyo [sa trailer] na ipinasok ako sa parang padded room? Nangyari talaga sa akin yon. For seven days, nakakulong ako doon.
"So, habang ginagawa namin yung film, maraming triggers ng past ko nung na-rehab ako.
“Kahit comedy siya, personal pa rin sa akin and tinrato ko talaga siya as sincere.”
Inamin ni JM na nagdalawang-isip siyang tanggapin ang Adik Sa 'Yo dahil nangangahulugan itong muli niyang babalikan ang isang madilim na bahagi ng kanyang buhay.
“Nag-hesitate po ako [pero tinanggap ko]. Una, alam ko po na maganda yung script and sobrang close ko kay Tita Mel din," pagtukoy niya kay Mel del Rosario na siyang sumulat ng script.
Pagpapatuloy ng aktor, "Pero yung hesitation part, parang, 'Talaga ba? Babalikan ko na naman, mag-i-internalize na naman ako nang ganoon?'
“Mahirap pa rin na kapag binasa mo talaga [ang script], nandoon yung mga pinagdaanan, pero trust lang talaga.”
Tanong ng Cabinet Files kay JM: Kumusta ka na ngayon?”
Sagot ng aktor: “Okay naman po, nagtatrabaho po. May teleseryeng ginagawa.”
Ano ang bagong discoveries mo sa sarili?
Ayon kay JM: “Na patuloy pa rin ang buhay. Marami pa ring challenges. Hindi nag-i-stop yung challenges na dumarating and I just have to face it head on every day. I just have to be wiser and stronger.”
Mga naadik sa pagmamahal ang mga karakter nina Cindy at JM sa Adik Sa 'Yo. Sa tunay na buhay, kapwa nila naranasan na “mabaliw” nang dahil sa pag-ibig.
Sa kaso ni JM, nasubukan nitong saktan ang sarili at wasakin ang kanyang kinabukasan dahil sa sobrang pagmamahal sa isang babae na hindi niya binanggit ang pangalan.
“Opo, talagang nabuang ako. Nabuang ako sa pag-ibig.
“Bata pa po ako noon. Alam mo yung tipo ng parang nasa level ka na ng ‘Shit, ito na yung gusto kong pakasalan. Ito na yung gusto kong makasama habang buhay. Ito na yung gusto kong mahalin araw-araw,' tapos biglang mawawala.’
“Masakit, sobra! Parang hindi mo alam kung saan mo ibabaling yung pagmamahal na dapat para sa kanya.
“Sa sobrang sakit, nagse-self destruct ako. Yun ang nagiging tendencies ko bilang isang lover.
“I tend to hurt myself, to destroy myself, to destroy my career… Lahat nang maabot ng kamay ko, sisirain ko, sasaktan ko.
"Pero hindi ako nananakit ng ibang tao, sarili ko lang. Lahat nang maabot ng kamay ko, sa career ko, sisirain ko. Umabot ako sa point na ganoon.”
Pinagsisihan ni JM ang mga ginawa nito noon na nagkaroon ng matitinding kapalit at nagbigay sa kanya ng mga aral na dahilan ng desisyon niya para magbagong buhay at gawin ang tama.
Saad niya, “Dumating na yung consequences. Hindi na ako nabibigyan ng work.
“Na-rehabilitate ako. Natanggal lahat ng privileges ko, yung mga simpleng bagay… cell phone for ilang years, wala ako niyan. TV, newspaper, wala ako niyan for four years.
"So, dun ko na-realize yung mga simpleng bagay ba na kailangan kong i-appreciate. What more yung mga blessing na maraming nagke-crave pero sinasayang ko lang.
“Malaki ang regrets ko, pero siyempre hanggang nabibigyan ng pagkakataon, bawi lang po nang bawi.”