Sa kauna-unahang pagkakataon, mapapanood sa isang programa ng GMA-7 ang ABS-CBN contract star na si Gerald Anderson dahil maglalaro siya para sa 1st anniversary presentation ng Family Feud Philippines, ang top-rating game show ni Dingdong Dantes sa Kapuso Network.
Naganap ngayong Sabado, March 25, ang taping ni Gerald para sa Family Feud sa Studio 7 ng GMA at kasama niyang naglaro si Kylie Padilla, ang leading lady niya sa Unravel: A Swiss Side Love Story, ang official entry ng Mavx Productions sa 1st Metro Manila Summer Film Festival na magaganap mula April 8 hanggang April 18.
Si Senedy Que ang sumulat ng kuwento ng Unravel, at siya ang nagbahagi sa kanyang Facebook page ng larawan ng pagbisita ni Gerald sa GMA Network building.
“First time ni Gerald na umapak sa GMA-7 ever at sa Family Feud siya maglalaro to promote Unravel and in celebration of Family Feud’s first anniversary week in April,” ang pahayag ni Senedy tungkol sa pagdalaw ni Gerald sa GMA-7 building.
Isang award-winning writer si Senedy at bukod sa Unravel, ang In My Life, Mga Munting Tinig, Rosario, The Escort, at Mano Po 7 ang ilan sa mga maraming kuwento ng pelikula na isinulat niya.
Siya rin ang head writer ng Magpakailanman at creative consultant ng Family Feud Philippines at Fast Talk with Boy Abunda na mga top programs ng Kapuso Network.