Ginagamit sa pandaraya at panlilinlang ang pangalan ng mga beterano at respetadong aktres na sina Gloria Romero at Caridad Sanchez sa pagbebenta ng isang klase ng essential oil na diumano’y kapaki-pakinabang sa mental at physical well-being ng mga matatanda.
Dahil dito, dumulog ang anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez at ang anak ni Caridad na si Cathy Sanchez-Babao sa mga abogado.
Nais nina Maritess at Cathy na managot ang mga taong namamahala sa online company na nagbebenta ng naturang essential oil na ginamit ang mga larawan ng kanilang mga ina.
Kapwa itinanggi nina Maritess at Cathy na naglabas ng testimonial ang kanilang mga ina tungkol sa essential oil na ginagamit ngayon na advertisement o patalastas ng mapanlinlang na online company.

“It’s terrible how these alleged companies are using the names and faces of two highly respected actresses. What’s worse is that my mom and Tita Caridad are super seniors already!”” pahayag ni Maritess, ang anak ng 89-anyos na si Gloria.
Nangilabot naman si Cathy nang ipadala sa kanya ng isang kaibigan ang kopya ng ad dahil walang kinalaman ang nanay niya sa naturang produkto.
“I knew right away it was a fraud because my mom doesn’t even know about that product, and the testimonial attributed to her does not sound like her at all,” sabi ni Cathy.
Nagulat si Cathy dahil sa tahasang panloloko sa publiko at panggagamit ng online company sa dalawang beteranang aktres na wala na sa limelight at tahimik nang namumuhay.
Sabi ni Cathy nang makausap ng Cabinet Files ngayong Martes ng gabi, March 2, 2023, “The bigger sin for me is that they are taking advantage of Tita Gloria and my mom’s credibility to sell a product to other seniors who might be easily fooled by their false and fraudulent claims.
“Parang this is happening a lot online. I know it's happened to other actresses. My wish is for the readers not to be fooled easily. Shopping online is really not regulated so ingat tayo palagi.
“I'm grateful that a friend of mine brought this to my attention. Muntik na nga raw niya ma-'add to cart' but she decided to check with me first.
"Sobra. Deep fakes at kung ano-ano pa. One really has to be vigilant and extra careful," babala ni Cathy sa publiko para hindi na makapangloko ang online company na tinutugis nila ni Maritess.