“Half” ang sagot ni Kris Bernal nang tanungin kung magkaibigan pa rin sila ni Aljur Abrenica, ang perennial leading man niya noong kapwa pa sila exclusive contract stars ng GMA Network.
Si Kris ang bisita sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes ng hapon, March 21, 2023. Dito niya ipinagtapat na hindi sinasagot ni Aljur ang mga mensahe na kanyang ipinadadala.
“Hindi niya ako nire-replayan. Ilang beses ko na siyang niyaya sa vlog ko, hindi niya ako nire-replayan.
“Nananawagan ako kay Aljur baka puwede tayong mag-collab,” panawagan ni Kris kay Aljur.
Kahit binabalewala ni Aljur ang kanyang mga mensahe, itinuturing pa rin niya itong paboritong leading man.
Nag-umpisa ang love team nina Kris at Aljur nang sumali sila sa Season 4 ng StarStruck, ang reality-based artista search ng Kapuso Network, noong 2006.
Ilan sa mga teleseryeng pinagbidahan nila sa GMA-7 ay ang Dapat Ka Bang Mahalin?, All My Life, The Last Prince, Coffee Prince, at Prinsesa ng Buhay Ko.
Pero iginiit ng 33-year-old actress na ni minsan, hindi sila nagkaroon ng relasyon.
Ayon kay Kris, "Hindi talaga. Love team lang talaga kami.
"Naparamdam nang konti [si Aljur] pero hindi nag-work talaga as real-life couple. Talagang as a love team lang.
“I guess, parang feel ko na naramdaman naman niya that time na parang hindi ako interested. At saka may times na hindi kami nagkakasundo.
“Sa totoo lang, may times na parang nag-aaway kami. Pero kailangan as a love team, sweet-sweetan kami.
"Alam na alam ng mga love teams iyan. Kapag off-cam na, parang hmmm…
"Pinagdaanan ko lahat iyan," rebelasyon ni Kris tungkol sa relasyon nila noon ni Aljur bilang love team.
Limang buwang buntis si Kris sa magiging panganay nila ni Perry Choi, na pinakasalan niya noong September 25, 2021.
Read: THE WEDDING ALBUM: Kris Bernal and Perry Choi
Lumpiang toge ang pagkaing pinaglihian ni Kris.
Ang unang trimester ng kanyang pagbubuntis ang itinuturing niya na pinaka-challenging.
Kung si Kris ang masusunod, babae ang nais niyang maging anak, pero malalaman nila ni Perry ang kasarian ng sanggol sa gender reveal party na magaganap sa susunod na buwan.