Si Bela Padilla ang bidang aktres, sumulat ng kuwento, at direktor ng Yung Libro sa Napanood Ko, ang official entry ng Viva Films sa 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) na mag-uumpisa sa April 8 at magwawakas sa April 18, 2023.
Si Lorna Tolentino ang gumanap na nanay ng karakter ni Bela sa pelikula.
Bilang direktor ng award-winning actress, nagpanggap si Bela na hindi ito kinakabahan kapag magkasama sila sa set ng Yung Libro sa Napanood Ko.
“Ako, hanggang ngayon, kinakausap ko si Miss LT even before naming mag-shoot, pero iba siyempre yung nasa set na kayo.
“Hindi ko ipinapahalata pero kabang-kaba ako kapag nasa set si Miss LT kasi gusto kong maging professional, pero pinadali po niya ang buhay ko," kuwento ni Bela tungkol kay Lorna sa media conference ng Yung Libro sa Napanood Ko noong Sabado, March 18.
“Si Miss LT, may isang eksena kami na nagkukuwentuhan bago mag-take kasi ang akala ko matagal pa yung setup.
“So, nagkukuwentuhan kami sa rooftop tapos tinawag na kami ng DOP [director of photography] na okay na. Naka-setup na, puwede nang pumasok si Miss LT sa eksena.
“I remember asking her, ‘Do you want a moment? Gusto mo bang magpatugtog ako ng music?’
“Sabi niya, ‘Hindi. Okay lang.’
“Pag-action, tumulo agad yung luha niya, samantalang everyone is so well-prepared at talagang magagaling,” trivia story ni Bela tungkol kay Lorna.
Hinahangaan ni Bela nang husto ang husay ni Lorna bilang isang batikang aktres.
“May running joke po kami sa set. Siya po ang aming 'Vatican Actress.'
“Meron kaming staff na ini-introduce niya si Ms. LT kay Yoo Min-gon," pagtukoy ni Bela sa Korean leading man niya sa pelikula.
“Ang gusto niyang sabihin, batikang artista. Ang nasabi niya, The Vatican Actress.”
Read: Lorna Tolentino, bilib sa istilo sa pagdidirek ni Bela Padilla
Ang 366 na napanood sa Vivamax simula noong April 15, 2022 ang directorial debut ni Bela. Pero, diumano, mas nahirapan siya bilang direktor ng Yung Libro sa Napanood Ko.
“Actually, parang mas mahirap ho itong second movie. Kasi nung first, I had Direk Irene [Villamor] with me on set as my creative director.
“Ngayon, wala na akong bantay. Ako na lang yung creative director.
"So it was my first time na ang feeling ko talaga, parang I was responsible for everyone.
"And the difference also is we shot majority of the movie in Korea, seventy percent of the film.
“Siyempre, nakikisama ka rin sa bagong members ng staff ng production na hindi ko pa nakakatrabaho before.
“There was also a language barrier. Pero I’m so grateful kasi lahat ng mga nakatrabaho ko, kahit sa Korea, sobrang madali.
“Hindi kami binigyan ng sakit ng ulo. Sobrang smooth ng naging transition namin from Philippine shot to Korea shoot.
“Ang laking factor na lahat ng actors on set knew their characters so well. Yung pressure was lifted off my shoulder,” saad ni Bela.