May taping si Herlene “Hipon Girl" Budol para sa Magandang Dilag kaya hindi siya nakadalo sa grand opening ng Tokyo Grill Unlimited Restaurant kahapon, March 10, 2023. Pag-aari ito ng kanyang manager na si Wilbert Tolentino.
Si Herlene ang isa sa mga celebrity ambassador ng Tokyo Grill at dahil wala siya, si Wilbert ang nagkuwento tungkol sa balak nito na isali sa Miss Grand Philippines 2023 ang comedienne.
“Si Herlene, balak ko siya i-join sa Miss Grand Philippines.
“Actually, hindi talaga niya forte ang pageant pero sinabi ko sa kanya na yung transformation niya ay nagbigay ng inspirasyon so ipagpatuloy natin since naudlot naman tayo sa international pageant [Miss Planet International]. So balikan natin ulit.
“Ang sabi niya, kung ano ang ikakasaya ko, ibibigay niya,” ang sabi ni Wilbert na nagkumbinsi kay Herlene na lumahok sa 58th Bb. Pilipinas noong 2022 at hindi nabale-wala ang kanyang mga pagsisikap dahil hinirang na 1st runner up ang alaga niya.
Nang muling tanungin tungkol sa traumatic na karanasan ni Herlene nang sumali ito sa 10th Miss Planet International na gaganapin sana sa Uganda noong November 2022 pero hindi natuloy, inulit at kinumpirma ni Wilbert na totoo ang kuwento na tinutukan ng baril ang comedienne/beauty queen.
“Okey naman yung pageant pero yung naging partner nila sa Uganda, hindi nila na-organize nang maayos.
“During the time na nagkagulo sa Uganda, lahat ng mga hotel [management], nagtawag ng pulis kasi hindi nagbayad yung organization ng rooms 'tapos kinuha nila yung passports ng delegates. Kaya si Herlene, nagkaroon ng trauma.
“Tinutukan siya ng baril. Siyempre yung bata, 23 years old siya, natakot siya kaya sobrang iyak niya. Parang isang bangungot para sa kanya,” lahad ni Wilbert.
May paglilinaw naman siya tungkol sa intriga na nahinto ang taping ng Magandang Dilag dahil diumano, pumutok ang breast implants ni Herlene.
“I think hindi siya yung tinutukoy. Yung mga tao lang kasi, inuunahan lagi pagdating sa mga bashing. Okey naman si Herlene...
“Na-delay lang yung taping kasi itina-timing nila sa May ilalabas.
"Actually, 'ikina-cut' nila para sa birthday ko kasi alam nila ako yung nag-groom kay Herlene,” ang paliwanag ni Wilbert na magdiriwang ng kaarawan sa May 18.