Ang alok na maging porno actor sa ibang bansa at babayaran ng kalahating milyong piso para sa panandaliang kaligayahan ang ilan sa mga indecent proposal na natanggap ni Ali Asistio mula nang magdesisyon siyang magpaseksi sa mga pelikulang napapanood sa Vivamax.
Si Ali ay dating miyembro ng Walang Tulugan with The Master Showman, ang Saturday night program ng pumanaw na star builder na si German Moreno.
Nang makatapos ng pag-aaral, nagpasya siyang maging sexy actor para mapabilis ang kanyang pagbabalik sa showbiz.
Magalang na tinatanggihan ni Ali ang mga indecent proposal mula sa mga hindi kilalang tao na nagkamali ng akalang madali siyang masisilaw sa pera.
Bukod sa maayos daw ang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya, may paninindigan at prinsipyo ang 26-year-old actor.
“Marami po ang nagme-message sa social media platforms ko. May agency rin sa ibang bansa na nag-aalok sa akin na maging pornographic actor.
"Nicely, nag-decline po agad ako.
“May mga dummy account na nagme-message na babayaran nila ako ng P500,000 pero hindi ko po nire-replayan,” kuwento ni Ali tungkol sa mga tempting offer na binabalewala niya.
Ayon kay Ali, nagpaseksi lang siya sa pelikula para matupad ang pangarap niyang maging aktor tulad nina Ken Chan, Jak Roberto, at Sanya Lopez na mga produkto rin ng Walang Tulugan.
Apat na pelikula na ang nagawa ni Ali buhat nang ipakilala ito sa Kara Krus ng Vivamax noong October 2022.
Tuwing nasa mga pampublikong lugar, nakikilala na siya ng mga tao na ikinagagalak niya.
Lahad niya, “Medyo nakikilala na po ako ngayon kapag lumalabas. Pero hindi ko iniiwasan na huwag gawin yung mga dating ginagawa ko kapag nasa labas ako. Hindi ko nililimitahan ang mga bagay na puwede kong gawin sa labas.
“Grabe po yung changes sa life ko na binigyan ako ng chance ni Lord na makabalik sa showbiz.
“Siyempre, gumamit po Siya ng mga tao para matupad ko ang mga pangarap ko.
“Mas marami po akong nakikilala ngayon na mga talented people at natututo ako sa mula sa kanila para mapagbuti ko ang craft ko.”
Masaya si Ali dahil nauunawaan at suportado ng kanyang mga magulang ang pagpayag niyang gumanap ng daring roles sa titillating projects ng Vivamax.
Ang Domme ang pang-apat na proyekto niya sa Vivamax, at natutuwa si Ali dahil nabigyan ito ng pagkakataong makatrabaho si Mark Anthony Fernandez.
“Napaka-professional, napakagaan na katrabaho, at napakahusay na aktor ni Sir Mark.
“Natutuhan ko mula sa kanya kung paano maging magpagbigay sa mga kasamahan niya sa eksena, yung hindi siya mananapaw at hindi rin siya masasapawan,” papuri niya sa aktor.
Bukod sa Domme, may dalawang pelikula si Ali na kinunan ang mga eksena sa Japan, ang Hosto at Japino, kaya mahigit dalawang linggo siyang nawala sa Pilipinas.
Nilinaw ni Ali na katuwaan lamang at hindi eksena mula sa pelikula ang mga litrato niyang lumabas na underwear lamang ang kanyang suot habang nasa gitna siya ng mga yelo sa Japan.
Kuwento niya, “Yung underwear pictures, dare lang po yon. Hindi kasama sa mga eksena.
“After ng shoot namin, lagi akong naglilibot sa labas para ma- experience ko ang snow at sceneries sa Japan.”