Sina Grace Poe, Jinggoy Estrada, Raffy Tulfo, at Chiz Escudero ang mga senador na may koneksiyon sa entertainment industry na nagmumungkahi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang planong phaseout o pag-aalis sa lansangan ng mga tradisyonal na pampasaherong jeepney.
Nakatakda sa June 30, 2023 ang phaseout ng traditional jeepneys para bigyang-daan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sa ilalim ng PUVMP, kailangang isuko ng mga jeepney operator ang kanilang mga indibidwal na franchise para sa pagpapatibay sa isang Fleet Management System, na nagtutulak sa kanilang bumili ng labinglimang (15) imported minibuses sa bawat ruta.
Mabigat para sa mga jeepney operator ang modernization program ng pamahalaan dahil P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon ang halaga ng bawat unit ng mga minibus.
Napakamahal nito kung ikukumpara sa traditional jeepneys na mula P200,000 hanggang P600,000 lamang ang presyo.
Ang balak na jeepney phaseout ng LTFRB ang dahilan kaya magdaraos ng isang linggo at malawakang strike, mula March 6 hanggang March 12, 2023, ang mga driver at jeepney operator na tiyak na makakaapekto at malaking perhuwisyo sa mga pasahero.
Pahayag ni Senator Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, “Bakit pinapahirapan ang mga driver at commuter kung hindi pa nga nagagawa ng gobyerno ang pag-aaral na ipinangako nito?
“To enforce a deadline is not only insanity but also inhumane. Hindi makatao.
“Hinihingi ko ang suporta ng buong senado para prenuhan ang itinakdang phaseout ng mga Hari ng mga Kalsada.
“Hopefully, we can come up with a resolution so that the strike will not push through by Monday next week."
Paglilinaw pa ng senadora, “We are not against modernization. There’s always a win-win solution, and that begins with a united stand from the senate.”
Gumanap na tsuper ng dyipni sa mga pelikula ang ama ni Senator Poe na si Fernando Poe Jr., at isa ito sa mga dahilan kaya malapit sa kanyang puso ang mga manggagawang tinawag niyang mga "Hari ng Kalsada."
Tulad ng kinikilalang King of Philippine Movies, naranasan rin ng ama ni Jinggoy, si former Philippine President Joseph Estrada, na bigyang-buhay sa kanyang mga nakaraang pelikula ang karakter ng isang jeepney driver.
Ani Senator Estrada, “With the indulgence of the author, I would like request to be made co-author and co-sponsor of Senate Resolution No.507 entitled Resolution Expressing the Sense of the Senate, strongly urges the LTFRB to postpone the planned phase out of all traditional jeepneys by June 30, 2023 pending the resolution of valid urgent concerns raised by affected operators and drivers regarding the financial viability program.
“Although we believe that it is imperative that we implement the public vehicle modernization program, hindi ito dapat magsilbing lubid na bibigti sa kanila kundi lubid na magliligtas sa kanila at hihila sa kanila sa pangangalaga at paggabay ng ating pamahalaan.
“Our public transport sector caters to the most number of Filipinos, ang Masang Pilipino. Patuloy silang pumapasada sa kabila ng hagupit ng tumataas na presyo ng krudo at ng mga pangunahing bilihin.
“Kahit na kakarampot ang naiiuwing kinikita ng ating mga namamasada ay hindi sila tumitigil sa kanilang responsibilidad sa Masang Pilipino na sa kanila umaasa para sa kanilang araw-araw na transportasyon kaya panahon na upang sila naman ang isakay natin sa maginhawang buhay.
“I’m also of the belief that certain considerations have to be made. Bumabangon pa lamang tayo sa pandemya at napakahirap po ng buhay ngayon.
“Malinaw naman ang posisyon at panawagan ng ating sektor ng transportasyon at sang-ayon po ako sa ating Chairperson ng Committee on Public Services upang ipaglaban muli ang implementasyon ng phase out na ito.”
Naniniwala naman si Senator Raffy Tulfo na may mga "hudas" na makikinabang sa modernization program na makakaapekto sa mga jeepney driver at operator.
“God knows Hudas not pay. Maraming mga hudas na gustong yumaman. Gustong tumiba-tiba at the expense of the mga pobreng jeepney driver,” sumbat ni Tulfo.
Kumbinsido naman ang asawa ni Heart Evangelista na si Senator Chiz Escudero na walang makikinabang sa isang linggong malawakang welga na binabalak ng mga jeepney driver.
“Perhaps if given a forum, [the jeepney operators] might hold it off as well because in a strike, nobody really benefits from it,” sabi ni Escudero.