Ang hindi matatawarang loyalty ng Star for All Seasons na si Vilma Santos sa kanyang pamilya, mga kaibigan, tagahanga, at propesyon ang isa sa mga katangian niya na hinahangaan ng publiko.
Kahit wala nang prangkisa ang ABS-CBN, pinili ni Vilma na ipalabas sa Kapamilya Channel ang kanyang 60th anniversary special, ang Anim Na Dekada, Nag-iisang Vilma, sa February 18, 2023.
Ito ay dahil malaking bahagi ng entertainment career ng aktres ang naturang network.
Read: Vilma Santos marks 60th showbiz anniversary with ABS-CBN show
Sinabi ng Star for All Seasons sa panayam ni Mario Dumaual ngayong Huwebes ng gabi, February 9, na ang ABS-CBN ang unang nagbigay sa kanya ng TV show, ang D’Sensations, na napanood simula noong April 1971.
"Nandito ang puso ko. Napakalaki rin ng utang na loob ko sa istasyong ito," pahayag ni Vilma tungkol sa pagiging matapat niya.
Ang loyalty rin ang katangiang namana ng panganay na anak ni Vilma na si Luis Manzano.
Kahit walang prangkisa ang ABS-CBN, muling nag-renew ng kontrata si Luis sa home studio nito.
Ang 5th season ng I Can See Your Voice, na malapit nang mapanood sa Kapamilya Channel, ang comeback project ni Luis.
Isiniwalat ni Vilma na may mga natatanggap na alok si Luis mula sa ibang mga TV network. Pero tulad niya, loyal ang kanyang anak kaya pinili pa rin nito ang ABS-CBN.
“He stood his ground. Sabi niya, ‘I’ll still stay sa ABS-CBN kasi yung loyalty ko, pag-aalaga nila sa akin for so many years…' nararapat lang na gantihan niya ng utang na loob,” saad ng multi-awarded actress.
Siyam na taon lamang si Vilma nang magsimula ang kanyang acting career sa Trudis Liit, ang pelikulang siya ang bida at ipinalabas sa sinehan noong February 21, 1963.
Si Boy Abunda, na balik-Kapuso na, ang inimbitahang mag-interbyu kay Vilma.
Bilib na bilib ang Fast Talk host sa filmography ng Star for All Seasons na masusi nilang tatalakayin sa kanilang pag-uusap na matutunghayan nang walang labis, walang kulang sa Anim Na Dekada, Nag-iisang Vilma.