Nilinaw ni Pokwang na wala sa kanyang planong sampahan ng kaso ang dating partner niya na si Lee O’Brian.
Pero totoong kumukonsulta siya sa abogado para mabawi ang YouTube at social media accounts na kanilang pinaghahatian noong maayos pa ang pagsasama nila.
Read: Hiwalayang Pokwang at Lee O'Brian, hahantong sa korte?
“Meron po kaming mga gustong bawiin na, like yung YouTube channel namin. Siya po kasi ang nagmo-monetize nun, siya po ang nagha-handle.
“Ang feeling ko, dapat mabawi na namin yon. Hindi po kami nag-file ng case.
"Inaayos lang po yung sa custody ng bata at saka yung dapat naming mabawi na lang, yung YouTube channel at saka yung social media.
"Saka yung iano namin kay Malia kasi, sa totoo lang, five years kang [Lee] hindi nag-aabot, alam mo yan.
"Pero nanahimik ako… nanahimik ako," humahagulgol na iyak na pahayag at paliwanag ni Pokwang sa kanyang paglabas sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes ng hapon, February 3, 2023.
Read: Pokwang on ex-partner Lee O'Brian: "Feeling ko, hindi niya ako minahal talaga."
Nang itanong ni Boy Abunda ang aral na natutunan ni Pokwang sa pakikipagrelasyon nito kay Lee na nais niyang ibahagi sa kanyang dalawang anak na babae na sina Mae at Malia, ang magtira ng pagmamahal sa sarili ang sagot ng comedienne.
Saad niya, “Magtira kayo para sa sarili ninyo, mga anak, kasi yun ang hindi ko ginawa.
"Magtira kayo para sa sarili niyo para kung dumating yung tamang tao, meron pa kayong ise-share na pagmamahal para sa tamang tao sa buhay niyo."
Umasa si Pokwang hanggang sa huling sandali na magkakabalikan sila ni Lee para mabuo ang kanilang pamilya, pero tila mahirap nang mangyari dahil sa pahiwatig niyang may iba nang babae sa buhay ng dating kinakasama.
Nang mabanggit ni Pokwang ang ina nitong si Gloria Subong, na pumanaw noong October 2020, tinanong siya ni Boy tungkol sa gusto niyang isumbong sa kanyang nanay na dahilan kaya tuluyan nang nag-breakdown ang comedienne.
“Naging matigas ang ulo ko. Ayaw ng nanay ko sa kanya [Lee].
“Ma, sorry. Sorry, Ma, hindi ako nakinig, e. Hindi ako nakinig sa yo. Sorry po.
"Kailangan ko po ng yakap mo, Ma. Nami-miss ko na si Mama…” humahagulgol na sabi ni Pokwang.