Sa February 5, 2023 ang huling araw ng pagsusumite ng aplikasyon ng mga kababaihang nagnanais sumali sa Miss Universe Philippines 2023.
Malakas ang ugong ng balita na muling lalahok sa nabanggit na beauty pageant si Miss Universe Philippines 2022 first runner-up Michelle Dee.
Read: Michelle Dee bags six special awards at Miss Universe Philippines 2022 preliminaries
Ang social media post ni Michelle na "#deepatapos" ang nagpatindi sa mga haka-hakang susubukan niya muli ang kanyang kapalaran sa Miss Universe Philippines.
Si Michelle ang kinatawan ng ating bansa sa 69th Miss World na ginanap sa London December 14, 2019. Hindi man pinalad na magwagi, nakabilang naman siya sa Top 12 candidates.
Read: Is Michelle Dee our next Miss World titleholder?
Isang kaibigan ni Michelle ang nakausap ng Cabinet Files ngayong Martes, January 31.
Siya ang nagsabing may mga nagaganap na pag-uusap tungkol sa muling pagsali ng 27-year-old beauty queen na pinag-aaralang mabuti ang desisyon na malalaman ng lahat sa darating na Linggo, February 5.
Malaki ang tsansa ni Michelle na maging successor ni Celeste Cortesi pero kailangan niyang i-reinvent ang kanyang physical appearance.
Ang pahabain uli ang kanyang buhok tulad nang mapanalunan niya ang Miss World Philippines crown noong 2019 ang isa sa mga dapat gawin ni Michelle.
Wala siyang problema sa question-and-answer dahil bukod sa mahusay magsalita, matalino siya sa pagsagot.
Si Michelle ang pang-apat sa anim na anak ni Miss International 1979 Melanie Marquez, na isa sa mga sikat na Asian supermodel noong dekada ’80. Tulad ng kanyang beauty title, naging international model si Melanie.
Sa dalawang anak na babae nito, si Michelle ang sumunod sa mga yapak niya dahil pinasok din ng dalaga ang mundo ng modeling, showbiz, at beauty pageant.
Isang international beauty title na lang ang kulang kay Michelle para mapantayan nito ang tagumpay ni Melanie.
Posible itong mangyari kapag itinuloy niya ang pagsali sa Miss Universe Philippines 2023 at palarin siyang maging kinatawan ng Pilipinas sa 72nd Miss Universe na idaraos sa December 2023 sa El Salvador.
Read: Miss Universe 2022 R'Bonney Gabriel to crown her successor in El Salvador