Problema sa pera ang madalas itinuturong dahilan ng mga hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa na madalas na humahantong sa hiwalayan, pero imposible itong mangyari sa showbiz couple na sina Jerald Napoles at Kim Molina.
Halos tatlong taon nang live-in partners ang dalawa, at puring-puri ni Jerald ang paniniwala ni Kim na hindi dapat maging problema ang pera sa isang relasyon.
“Kay Kim ko natutunan, kasi siguro galing ako sa Tondo, si Kim yung unang tao na natutunan ko na sa relasyon dapat talaga hindi maging problema yung finances.
"Kasi yun ang nagiging problema ng magkarelasyon, lalo na sa kultura na kinalakihan ko,” pahayag ni Jerald sa Cabinet Files.
Ipinaliwanag ni Jerald na madalas isyu ang pera sa kultura na kanyang kinagisnan kaya malaki ang pagpapahalaga niya sa mga katangi-tanging ugali ni Kim.
Saad niya, “Sa kultura na kinalakihan ko, finances is a very controversial and complicated perception. Pero kay Kim, madali lang.
“Bakit gagawin pang kumplikado yung bagay kung makakayang magtulungan, in terms of finances?
“Kung wala ako, siya. Kung wala siya, ako. Yung sa yo, sa yo. Yung sa akin, sa akin. Yung atin, atin. Ganoon kasimple.
“Si Kim yung walang problema sa ganoon, not just for me but also for other people.
“Kung si Kim ay kini-claim ko nang yayaman anytime soon, napakaraming tao ang matutulungan niya,”
Magkasama muli sina Jerald at Kim sa pelikulang Girlfriend Na Pwede Na, na itatanghal sa mga sinehan simula bukas, January 18, 2023.
Taus-puso ang pasasalamat ni Jerald sa lahat ng mga dumalo sa red-carpet premiere ng kanilang pelikula na ginanap sa SM Megamall Cinema kagabi, January 16, dahil nasaksihan niya nang personal ang malakas na halakhakan ng mga nanood.
“The cinema was filled with laughter almost the whole time. Hindi halos marinig ang next lines sa saya ng mga tao.
“Seeing it for the first time, nahuli ko ang sarili ko na nakangiti during the whole movie, naririnig ko si Dimples Romana na nagrereklamo na masakit na ang pisngi at panga [sa katatawa].
“Ang gago at ang honest pala ng movie na to. Nakaka-miss rin yung maraming kasabay tumawa sa sinehan.
“Anyway, maraming salamat sa lahat nang dumalo, isang aya lang game agad.
“Dami rin bagong friends, asking their reactions and them saying we did a great job and the movie is good, is enough to give ourselves a pat on the back."
Mensahe pa ni Jerald sa girlfriend at leading lady: "Kim napakagaling mo. Pagaling ka nang pagaling halos di ka na siguro magkakasakit!"