“Oh my God!”
Ito ang unang reaksiyon ng Filipino fashion designer na si Patrick Isorena nang koronahan si Miss USA R’Bonney Gabriel bilang 71st Miss Universe.
Ginanap ang granbd coronation ng Miss Universe 2022 sa New Orleans, Louisiana, USA, nitong Sabado ng gabi, January 14, 2023 (Lunes ng umaga, January 15, sa Pilipinas).
Read: Filipino-American R'Bonney Gabriel of USA wins Miss Universe 2022
May dahilan para mabigla at matuwa si Isorena dahil siya ang gumawa ng "Woman on the Moon" national costume ni Gabriel kaya bahagi siya ng Miss Universe journey ng 28-year-old beauty queen.
Read: Filipino designer overwhelmed by positive comments on Miss USA's national costume
Malapit sa puso ng mga Pilipino si R'Bonney dahil Pilipino ang kanyang ama na si Remigio Bonzon "R.Bon" Gabriel.
“Thank you for choosing me to be part of this amazing journey,” bukal sa pusong pasasalamat ni Isorena kay R’Booney, na isa ring mananahi tulad niya.
Personal na nakilala ni Isorena ang mga magulang ni R’Bonney nang umuwi ang mga ito ng Pilipinas mula sa Amerika noong December 2022 para personal na kunin ang national costume na gagamitin ng kanilang anak sa 71st Miss Universe.

Masyado kasing malaki ang magagastos na pera kung ipadadala sa U.S. sa pamamagitan ng freight forwarder ang national costume ng bagong Miss Universe.
“Dapat ipadadala siya [national costume] via an international courier but it will cost US$5,000 [Php274, 650] so R’Booney asked her parents to come here in the Philippines to get her national costume and gown,” kuwento ni Isorena sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) dalawang araw bago naganap ang 71st Miss Universe.
Nang tanungin tungkol sa halaga ng national costume ni R’Booney na ginawa niya, tumanggi si Isorena na magsalita dahil sa non-disclosure agreement nila ng team ng newly crowned Miss Universe.
MISS UNIVERSE 2022 THANKS THE FILIPINOS
Hindi naman nakalimutan ni R’Bonney na pasalamatan at magbigay-pugay sa mga Pilipino sa interbyu sa kanya ng mga miyembro ng media matapos siyang koronahan bilang Miss Universe.
Mensahe ng bagong Miss Universe: “Mabuhay Philippines! Mabuhay Filipino fans!
"Maraming-maraming salamat sa lahat ng tulong ninyo. The support is everything. I feel it in my heart. I heard it in the room.
“It was an amazing energy. The Filipino blood is so strong. We are hardworking. We are fun and we’re determined, and I am so proud to be half-Filipina.”
Pilipinang-Pilipina sa hitsura at puso si R'Bonney kaya nakapagkomento ang multi-awarded director na si Chito Roño ng “Natawa ako. Mas mukhang Pinay pa si Miss USA kesa sa Miss Philippines."