May pagbabagong magaganap sa isang bahagi ng kumpetisyon ng Miss Universe 2022, at dito masusubukan ang husay sa pagrampa ng walumpo’t apat (84) na opisyal na kandidata mula sa iba’t ibang bansa sa popular international beauty pageant.
Gaganapin ang grand coronation ng 71st edition ng Miss Universe sa Ernest N. Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, USA, sa January 14, 2023 (January 15 sa Pilipinas).
Ang Filipino-Italian na si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas sa 71st Miss Universe.
Tinitiyak ng kanyang mga tagasuporta na magpapamalas siya ng husay base sa mga napapanood na rehearsal videos ng mga kandidata para sa preliminary at final competition.
Incidentally, "Che-leste" at hindi "Seleste" (tulad ng tawag sa singer-actress na si Celeste Legaspi) ang wastong pagbigkas sa pangalan ni Celeste.
Italian ang ama ni Celeste at lumaki sa Italy, pero isinilang sa Pasay City noong December 15, 1997.
Samantala, dalawa sa mga itinalaganga kandidata ang makakatunggali ni Celeste sa 71st Miss Universe — sina Andreina Martinez ng Dominican Republic at Maria Camilla Sanabria ng Bolivia.
Si Martinez ang kinatawan ng Dominican Republic sa 70th Miss Universe noong December 13, 2021, pero tinamaan siya ng COVID-19 kaya ang first runner-up na si Debbie Áflalo ang ipinalit sa kanya.
Para sa 71st Miss Universe, nagpasya ang Miss Dominican Republic Organization na si Martinez ang ipadala kaya matutupad na ang naudlot na pangarap niya noong 2021 na maging kalahok ng nabanggit na beauty pageant.
Nakatadhanang maging kandidata ng 71st Miss Universe si Sanabria, ang first runner-up ni Miss Universe Bolivia 2022 Maria Fernanda Pavisic.
Binawian ng korona si Pavisic noong November 2022 dahil sa mga panglalait niya sa delegado ng ibang mga bansa.
Inakusahan si Pavisic ng discrimination at racism dahil sinabi niya sa isang Instagram video na mga mukhang transsexual ang mga kinatawan ng Venezuela at Peru.
Tinawag naman ni Pavisic na "old ladies" ang mga kandidata ng Paraguay, Brazil, at El Salvador.
Samantala, nabulilyaso ang pagsali ng Latvia sa Miss Universe 2022 makalipas ang labing-anim na taon dahil nagpositibo sa COVID-19 ang kanilang kandidata na si Kate Alexeeva.
Ang 55th Miss Universe na naganap sa USA noong July 23, 2006 ang huling pagkakataong nagpadala ang Latvia ng kinatawan.