Si Miss Universe 2018 Catriona Gray ang napapabalitang isa sa mga kababaihang napipisil para maging host ng coronation night ng Miss Universe 2022, na magaganap sa Ernest N. Morial Convention Center, Downtown New Orleans, Louisiana, USA, sa January 14, 2023.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Miss Universe Organization (MUO) tungkol sa magiging host ng 71st edition ng Miss Universe, pero kinumpirma nila noong nakaraang buwan na babae ang kanilang ipapalit kay Steve Harvey bilang emcee.
Limang taong nagsilbi si Harvey bilang host ng Miss Universe.
Noong nakaraang buwan, inanunsiyo ng MUO na hindi na siya magbabalik at babae ang hahalili sa kanyang host ng grand coronation night ng beauty pageant.
Pag-aari na ngayon ng Thai billionaire transgender woman na si Anne Jakrajutatip ang Miss Universe Organization.
Maraming pagbabago sa MUO ang inaasahang mangyayari sa ilalim ng pamumuno ni Jakrajutatip, na nanindigang hindi siya makikialam sa pagpili ng mga magwawagi dahil ipauubaya niya sa mga hurado ang desisyon.
“It’s not me who decide. Everything is up to the respectable judges. I don’t own that power,” bahagi ng tweet ni Jakrajutatip.
Nagbitaw riya ng salita na makikita lamang siya ng publiko sa preliminary competition ng 71st Miss Universe.
“No one would see me until Prelim. I’m there but hiding in the safe place from media. You won’t see me but I will always monitor all of you!!! I do have my magic device watching you guys,” tweet pa rin ni Jakrajutatip, na sangkot sa isyu na gusto niyang siya ang magputong ng korona sa magiging successor ni reigning Miss Universe Harnaaz Sandhu.
Walumpu’t lima (85) ang bilang ng mga opisyal na kandidata sa 71st Miss Universe na isa-isa nang dumarating sa New Orleans.
Mula sa Los Angeles, lumipad sa New Orleans nitong Martes, January 3 (Miyerkules, January 4, sa Pilipinas), ang Philippine delegate na si Celeste Cortesi, dala ang kanyang malalaking maleta na naglalaman ng mga damit na gagamitin sa international pageant na lalahukan niya.
Dumating na rin sa New Orleans ang mga kinatawan ng Thailand, Colombia, Vietnam, Puerto Rico, Italy, Australia, at Cambodia na mainit na sinalubong sa Louis Armstrong New Orleans International Airport ng kanilang mga tagasuporta.