Bilang si Fidel, malalalim na Tagalog ang mga linya ni David Licauco sa Maria Clara at Ibarra, ang top-rating primetime series ng GMA-7.
Pero nabigo sila ng kanyang kapareha na makuha ang jackpot prize sa "Pinoy Henyo" segment ng Eat Bulaga! dahil sa mababaw na dahilan — hindi alam ng 28-year-old Kapuso actor ang Tagalog ng English word na "cow."
Si David ang isa sa mga celebrity player sa January 2, 2023 episode ng "Pinoy Henyo." Sa jackpot round, ang hayop na "baka" ang pinahulaan sa kanya.
Nabanggit na ni David ang salitang "cow" pero natalo sila ng kanyang kapareha dahil Tagalog word ang kailangan at nahirapan siya nang todo sa pag-iisip.
“Cow, di ba? Sa Tagalog nun... anong Tagalog nun? Cow… ah... pass… ano sa Tagalog nun?” nahihirapan at paulit-ulit na sabi ni David.
Hindi alam o maaaring kinabahan si David kaya hindi kaagad pumasok sa kanyang isip na "baka" ang kahulugan ng cow sa salitang Tagalog.
Kung ibang artista o contestant ang nasa posisyon ni David, tiyak na nakatikim na sila ng mga panglalait at mga batikos dahil hindi nila alam sa wikang Tagalog ang cow.
Pero imbes na kainisan, natuwa pa kay David ang kanyang die-hard fans dahil naaliw sila sa pagiging "konyo" ng Filipino-Chinese actor.
May mga nagprisinta pang tuturuan nila ng Tagalog si David na cute na cute sa kanilang paningin habang naghahagilap ng isasagot.
Samantala, may mga nakapansin naman sa kakaibang tingin sa kanya ng Eat Bulaga! co-host na si Ryzza Mae Dizon, na ginawan ng isyu at inakusahang fan girling sa aktor na napansin nang husto dahil sa karakter na ginagampanan sa Maria Clara at Ibarra.
