Sunud-sunod ang mga pelikulang ginawa ng isang showbiz personality noong 2021 at 2022 kaya may kakayahan na siyang bayaran ang pagkakautang sa taong nagtiwala sa kanya noong mga panahong kailangang-kailangan niya ng pera.
Limang taon na ang nakararaan buhat nang manghiram ng salapi ang showbiz personality sa taong itinuring siyang kaibigan. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya tinutupad ang pangakong pagbabayad.
Masamang-masama ang loob ng nagpautang dahil ito ngayon ang nangangailangan ng pera, pero binabalewala umano ng showbiz personality ang atraso nito sa kanya.
Ilang beses nang sinubukan ng money lender na singilin ang showbiz personality na naging bingi at manhid sa mga pakiusap niyang bayaran siya.
Pinakamasakit sa kaibigan na nagpahiram ng pera ang ginawa ng showbiz personality na i-block siya sa lahat ng mga social media account at cellphone nito kaya tuluyan nang nawalan ang komunikasyon nila sa isa’t isa.
Sinisisi ng nagpautang ang sarili dahil naniwala at nagtiwala siya sa showbiz personality na nagmakaawa sa kanya noon.
Sana raw, naging matapat na lamang ang showbiz personality na hindi na ito magbabayad para hindi na siya umasng maibabalik pa ang malaking halaga ng pera na malaking tulong sa kanya, lalo na ngayong may mga pinagdaraanan siyang problema sa pananalapi.