Makalipas ang dalawang dekada at isang taon, nagpaalam na bilang Kapuso ang Unang Hirit mainstay na si Love Añover pero hindi nito sinabi ang dahilan ng kanyang pag-alis sa kabila ng mga balita na lilipat siya sa ibang television network.
Ginamit ni Love ang Facebook page niya para ipaalam sa publiko ang kanyang desisyon na iwanan ang Kapuso network na naging malaking bahagi ng buhay at pagkatao niya.
Inilahad ni Love ang lubos na pasasalamat sa GMA Network Inc. dahil sa mga oportunidad na ipinagkaloob sa kanya.
“Buong-pusong pasasalamat sa dalawampu’t isang taon bilang Kapuso.
“Hindi lang buhay ko ang nabago ng pagkakataon na ibinigay ng GMA Network, kundi kasama po ang aking buong pamilya!
“Tinupad po ninyo ang aking pagnanasa bilang panganay na anak na mabigyan ng disenteng buhay ang aking mga magulang, mga kapatid, at mga pamangkin mula sa buhay na nagdarahop at walang-wala!” ang unang bahagi ng madamdamin na pasasalamat at pagpapaalam ni Love sa GMA-7.
Kabilang sa mga pinasalamatan ni Love ang mga executive ng GMA-7, ang mga co-host sa Unang Hirit at ang lahat ng mga nakatrabaho niya sa mga programa ng Kapuso Network na naging bahagi siya.
“Sila ang mga tao na alam kong itinalaga ng Panginoon na tulungan ako para maisakatuparan Niya ang kanyang mga plano para sa akin. Angels on Earth! Lord, salamat po!” ani Love.


Isinadula ng Magpakailanman noong 2003 ang makulay at nagbibigay-ng-inspirasyon na kuwento ng buhay ni Love.
Naranasan ni Love na maghanapbuhay bilang tindera sa palengke sa murang edad noong naninirahan pa sila sa Leyte ng pamilya nila.
Nagbago ang kapalaran ni Love nang magtrabaho na konduktor sa isang bus company sa Maynila ang kanyang ina kaya lumuwas sila at nakapag-aral siya sa lungsod.
Biktima noon si Love ng diskriminasyon ng mga kaklase niya dahil sa kanyang itsura pero hindi ito naging sagabal para mangarap siya.
Nagsimula ang television career ni Love dahil sa student internship niya sa GMA Network at hindi naglaon, nanilbihan na production assistant ng isang television show hanggang mabigyan ng pagkakataon sa Unang Hirit bilang tagapag-hatid ng balita tungkol sa lagay ng panahon at sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.