Ang pagsusuot ng popular na Barong Tagalog at terno habang inaawit ang "Ikaw," ang kantang pinasikat ni Yeng Constantino noong 2014, ang highlight ng fan meet ng Thai superstars na sina Nadech Kugimiya at Yaya Sperbund.
Ginanap ang fan meet sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City, Linggo ng gabi, December 4, 2022.
Nadagdagan ang paghanga ng Pinoy fans kina Nadech at Yaya dahil sa perpektong pagkanta sa "Ikaw," a memoryadong-memoryado nila, nabigyan ng wastong emosyon, at tama ang kanilang pagbigkas sa bawat Tagalog na salita.
Nakuha ni Yaya ang kiliti ng mga tagahanga nang sabihin niyang interesado siyang matikman ang mga pagkain mula sa isang sikat na Filipino fastfood.
Nangyari ang kagustuhan ni Yaya dahil sa isang game segment, ang pagkain ng Pinoy food ang naging parusa sa kanya nang magkamali siya ng sagot sa isang tanong.
“This is not a punishment,” tuwang-tuwang sabi ni Yaya habang nilalantakan ang crunchy fried chicken na ipinakain sa kanya.
Ikinainggit ito ni Nadech kaya nakikain din ito.
Kahit sa Thailand, madalas na ikinukumpara si Yaya kay Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil magkahawig sila.
Read: These stunning ladies are Catriona Gray's doppelgangers
Muli itong napatunayan sa naganap na fan meet dahil sa malakas na Catriona vibe, sa hitsura at pananalita ng superstar Thai actress.

Catrional Gray (left) and Yaya Sperbund (right)
Big hit naman sa Pinoy fans ng dalawa ang mga sexy dance na parusa kay Nadech dahil sa mga maling sagot nito sa compatibility test sa kanila ng kanyang real-life girlfriend.
Nagbitaw ng salita sina Yaya at Nadech na kung mabibigyan sila ng pagkakataon, babalik sila sa Pilipinas para sa isang project o bakasyon.
Ang Palawan ang sinabi ni Nadech na gusto niyang marating dahil sa kanyang mga nakikita at nababasa tungkol sa islang maraming beses nang hinirang (2013, 2016, 2017, 2020) na Best Island in the World ng Travel+Leisure Magazine, ang New York -based travel magazine.
Nakuha nina Nadech at Yaya ang atensiyon at paghanga ng Filipino fans nang ipalabas sa GMA-7 ang kanilang Thai drama series na The Crown Princess kaya nagkaroon ng planong magkaroon sila ng live fan meet sa Pilipinas.
Pero dalawang beses itong hindi nangyari — noong April 25, 2020 at July 12, 2020 — dahil sa coronavirus pandemic.
Makalipas ang dalawang taon, natuloy noong December 4 ang pagbisita nina Nadech at Yaya sa ating bansa para personal na makapiling ang kanilang mga tagahanga.
Pero may mga nanghinayang dahil hindi well-publicized ang nabanggit na fan meet kaya marami ang hindi nakapanood.
Umiral naman ang pagiging praktikal at negosyante ng mga binigyan ng complimentary tickets ng promoter ng fan meet nina Nadech at Yaya dahil imbes na manood, ibinenta nila sa bagsak na presyo ang mga libreng ticket.
P2,000 ang VIP tickets na nagkakahalaga ng P7,500 at P1,500 ang gold tickets na dating may presyong P4,000.
Isang oras bago nag-umpisa ang fan meet nina Nadech at Yaya, ipinagbibili na lamang sa halagang P700 ang gold complimentary tickets na ipinamahagi ng promoter, ang Neuwave Events and Productions, Inc.