Tiniyak ni Kean Cipriano na magkakaroon ng repeat at tour ang Pulso, ang successful concert nila ng kanyang mga talent na sina Unique Salonga at Adie Garcia na itinanghal sa New Frontier Theater noong November 29, kaya taos-puso ang pasasalamat niya sa lahat ng mga nanood..
Sa kabila ng mga adjustment o pag-aayos na ginawa, “perfect” ang pagsasalarawan ni Kean sa Pulso dahil napasaya nila ang manonood.
“Everything was perfect. There were some adjustments but things were easily fixed. Nagkapulsuhan na lang. It was a really fun show from the preps to the show itself.
“Special sa akin ang intro ng 'Lamang Lupa' at saka ang 'Apoy ng Kandila' duet nina Adie at Unique.
“Special sa akin na makita yung dalawang artists ko na nagsimula talaga sa O/C [ang record label at talent management company na pag-aari ni Kean at ng kanyang misis niyang si Chynna Ortaleza] na kantahin yung kanta sa album na ‘Grandma’ na pinakaunang album na pinroduce ko.
“Wala naman embarrassing moment sa show.Talagang masaya lang ang daloy ng lahat.”
Ang black long skirt na suot ni Kean sa Pulso ang isa sa mga nakatawag ng pansin sa concert nila nina Adie at Unique.
Ayon kay Kean, ang pagsusuot niya ng skirt sa isang well-attended event ay kanyang pagbibigay-pugay sa “gender fluidity” at “genderless fashion.”
“From conceptualization ng style ng Pulso, nag-send ako ng wish list kay John Paul Dizon [fashion stylist].
“I personally wanted to incorporate genderless fashion into the show’s look. Matagal na naman na nagsusuot ng skirts ang mga lalake. I just wanted to pay respect to that and fluidity.”
Hindi lamang ang tagumpay ng Pulso ang ipinagpapasalamat ni Kean sa Panginoong Diyos dahil maganda rin ang takbo ng O/C na magkatulong na itinataguyod nila ni Chynna.
Sa kasalukuyan, halos apatnapu na ang bilang ng mga singer at artista na talent ng O/C na matibay na pruweba na tama ang landas na tinatahak ng mag-asawa, at bagong karanasan para kay Kean at sumusubok sa kanyang husay at pasensya bilang manager.
“Being a manager is a crazy thing. A lot of business and legal things going on.
“May times na yung artist ayaw makinig at gusto lang sundin ang gusto nila. ‘Tapos, kapag hindi naging maayos ang outcome, they pin the blame on management.
“Personally, naniniwala ako na ang pagsasama ng talent management at ng artist ay isang malaking collaboration na nag-uusap, nakikinig at nirerespeto ang bawat isa.
“Bawat artist, iba’t iba ang ego, intentions, purpose and vision. Hindi rin madali na makuha yung tamang pulso.
“But at the end of the day, babalik ako sa mission ko bilang manager na matulungan ang artist na maabot ang kaya na maabot ng career at i-professionalize ang lahat ng mga bagay tungkol sa pagiging artist nila.
“We always uphold creative freedom with our artists, and through the years, we have learned that artists also have to trust us with business and professional strategies for their growth and longevity,” ang pahayag ni Kean sa exclusive interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Linggo ng hapon, December 4, 2022.