Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang ALV Pageant Circle nang ilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 31, 2022, ang balitang ang naturang beauty pageant organization, diumano, ang bagong franchise holder ng Miss Grand International.
Ang Miss Grand International ang Thailand-based beauty contest na binitawan na ng Binibining Pilipinas Charities Inc. [BPCI].
Ikinatuwa ng Filipino beauty pageant fans ang desisyon ng BPCI, dahil sa kanilang nagkakaisang paniniwala, umiiral ang favoritism at walang kredibilidad ang beauty contest na pinamumunuan ng Thai business personality na si Nawat Itsaragisil.
Hindi pa nananalo ang mga kandidata ng Pilipinas ng Miss Grand International crown at ito ang isa sa mga dahilan ng pagkamuhi at paulit-ulit na pagbatikos kay Nawat ng mga Pilipino na matitindi ang debosyon sa beauty contests.
Pero magpapatuloy ang pagsali ng Pilipinas sa Miss Grand International.
Dahil kinumpirma ni Arnold Vegafria ng Miss World Philippines Organization at ALV Pageant Circle sa pamamagitan ng isang official statement na hawak na nito ang karapatan para magpadala ng mga kandidata ng ating bansa.
Itinuturing niya itong isang makasaysayang pangyayari sa larangan ng patimpalak pagandahan.
“Today, we make pageant history once again. ALV Pageant Circle, in partnership with the Miss Grand International organization, formally announces the launching of the Miss Grand Philippines pageant!
“Under the leadership of its official Philippine franchise owner Arnold Vegafria, the Miss Grand Philippines Organization hopes to reinvigorate the local pageant landscape, elevate our standards of beauty and excellence, embrace the same ideals of relevance and inclusivity, and most importantly, continue to empower aspiring Filipina queens to embrace this new platform for global dominion.
“Get ready for a ‘grand’ weeklong salvo of activities headlined by our Miss Grand International Queens!”
Inaasahan ang pagbisita ni Nawat sa Pilipinas, kasama si reigning Miss Grand International Isabella Menin ng Brazil at ang mga runner-up nito na kinabibilangan ni Roberta Tamondong ng Pilipinas para sa grand weeklong salvo of activities na inihahanda ng ALV Pageant Circle.
Pinaghihinalaang isang paraan ang aktibidad na ito para suyuin ang mga nagtatampong Pinoy beauty pageant aficionados.