Noong February 2021, pinag-usapan at naging paboritong paksa ng mga mahihilig sa showbiz news ang pag-amin ni Jeric Raval sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa pagkakaroon niya ng labingwalong anak (18) sa iba’t ibang mga babae.
Read: Jeric Raval: "Kung maibabalik ko yung panahon, hindi na ako mag-aanak ng marami."
Bago matapos ang 2022, may bagong rebelasyon tungkol kay Jeric at may kinalaman ito sa kanyang tunay na edad.
Ang pagkakaalam ng karamihan, 45 years old lamang si Jeric dahil sa petsa ng kanyang kapanganakan na nakalagay sa Wikipedia.
Pero sa taping ng bagong TV series ng ABS-CBN na kinabibilangan niya, sinabi ng aktor na 61 years old na siya.
Walang naniniwala sa claim ni Jeric hanggang ipakita nito ang kanyang ID na nagpapatunay na isinilang siya noong 1961.
Mahirap paniwalaang senior citizen na si Jeric dahil sa kanyang hitsura at malusog na pangangatawan
Kaugnay nito, tinanong ng Cabinet Files si Drizzy Ace Raval, ang rapper at aspiring actor na anak niya.
“Opo, medyo may edad na rin siya!” natatawang sagot ni Drizzy.
Hanga rin si Drizzy sa batang hitsura ng tatay niya na nagsimula ang acting career bilang contract star ng OctoArts Films noong dekada ’90.

Lumilitaw na gumamit noon ang home studio ni Jeric ng screen age nang i-build up ito bilang action star at walang nagduda dahil base sa kanyang physical appearance, kapani-paniwalang bata pa siya.
Nagtanong din kami sa isang taong malapit kay Jeric at kinumpirma nitong hindi nagsisinungaling ang aktor na maikukumpara sa isang bampira dahil hindi nagkakaedad ang hitsura.
Sabi nito, “Totoo, senior citizen na siya. Mas matanda siya sa akin.
"Mukhang bata lang talaga si Jeric dahil marunong siyang mag-alaga sa katawan niya.
"Hindi siya kumakain ng karne at maaga siyang natutulog. Wala siyang bisyo at may disiplina siya sa katawan."
Para makatiyak sa tunay na edad ni Jeric, isang dating karelasyon niya ang aming inusisa.
Ito ang kanyang sagot: “Naku, he’s 51 years old, hindi 61. Pinapatanda niya siguro ang sarili para masabing mukha siyang bata para sa isang 61 years old.
"Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa yun o kung ano ang trip niya. Pero mukha pa rin siyang mas bata sa 51, di ba?”
Sa panayam ng Cabinet Files kay Jeric noong February 2021, ipinagtapat niyang ang hindi paninigarilyo, hindi pag-inom ng alak, at maagang pagtulog kapag walang shooting at taping ang ilan sa mga sikreto ng kanyang youthful appearance.