Hindi nangyari ang back-to-back win ng Pilipinas sa 50th Miss Intercontinental na pinakaaasam ng Filipino beauty pageant fans.
Nabigo si Gabrielle Basiano na maging successor ni Miss Intercontnental 2021 Cinderella Faye "Cindy" Obeñita.
Read: Cinderella Faye Obeñita wins Miss Intercontinental 2021
Hanggang sa Top 20 lamang ang inabot ni Gabrielle sa final show ng golden anniversary ng Miss Intercontinental na ginanap sa Sharm El Sheik, Egypt, nitong Biyernes ng gabi, October 14, 2022 (Sabado ng madaling-araw, October 15, sa Pilipinas).

Napanood ito sa pamamagitan ng live streaming sa official YouTube channel at Facebook page ng Miss Intercontinental Organization.
Si Le Nguyen Bao Ngoc ng Vietnam ang kinoronahan bilang Miss Intercontinental 2022.

First runner-up si Mariela Pepín ng Puerto Rico, second runner-up si Maria Cecília Almeida de Sousa ng Brazil, third runner-up si Joy Raimi Mojisola ng Nigeria, fourth runner-up si Tatjana Genrich ng Germany, at fifth runner-up si Emmy Marianne Carrero Mora Venezuela.
STEVE HARVEY MOMENTS
Tulad ng mga nakaraang final shows ng Miss Intercontinental, “very amateur” pa rin ang pagtatanghal ng Miss Intercontinental 2022 kaya hindi naiwasan ang mga pagkakamali.
Luke ang pangalan ng male co-host ni Cindy sa final show at nakadagdag siya para maging boring ang coronation night ng Miss Intercontinental 2022.
Nagkaroon ng "Steve Harvey" moment si Luke dahil wala ang pangalan ni Miss Brazil sa finalists na tinawag niya at ang chairman ng mga hurado ang kanyang sinisi.
Sabi ni Luke, “Oh, that sounds like Miss Universe ladies and gentlemen. The chairman made a mistake. We have some other girl on the list.
“For me, no problem, but I just had five names on the list so some girl on the backstage area will now be very happy.”
Lumitaw rin ang pagiging tactless ni Luke sa interview niya kay Cindy pagkatapos ng farewell walk nito.

Napahaba ang pagsasalita ni Cindy tungkol sa kanyang reign bilang Miss Intercontinental 2021.
Nang matapos ang mga sinabi niya, nagkomento si Luke ng “Wow, I thought we will do an interview but it was a monologue!”
May pagkakamali naman sa announcement ng mga nagwagi ng special awards kaya muling pinabalik sa stage sina Andrea Aguilar ng El Salvador at Miss Sri Lanka Anna-Marie Suzanne Quint Ondaatje.
Si Ondaatje ang tinawag ni Luke na winner ng Miss Photogenic special award at si Aguilar ang Miss Popularity.
Makalipas ang ilang minuto, tinawag ni Luke sina Ondaatje at Aguilar sa entablado para pagpalitin ang mga sash ng dalawa dahil si Miss El Salvador ang tunay na nanalong Miss Photogenic at si Miss Sri Lanka ang Miss Popularity.

Dahil hanggang Top 20 lamang ang inabot ni Gabrielle, umiral ang pagiging pikon ng ilang Pinoy pageant fans na hindi matanggap ang resulta.
Gaya ng kanilang madalas na paratang kapag hindi nananalo ang mga representative ng ating bansa, inakusahan nilang isang “cooking show” ang Miss Intercontinental 2022.
Nanawagan din sila sa Binibining Pilipinas Charities Inc. na huwag nang magpadala ng kandidata sa naturang international beauty pageant.