“Never!” ang may kasiguraduhang reaksiyon ni Alma Moreno nang sabihin namin sa kanyang nagkasama na sila ni Dina Bonnevie sa pelikula.
Ito ay sa pamamagitan ng Throwaway Child, ang pelikula ng Regal Films na ipinalabas noong 1982.
Sabi pa ni Alma, “Pareho kaming Regal [stars] ni Dina, nagkikita kami. Boyfriend niya noon si Alfie Anido.
"Si Alfie ang ilang beses kong naging leading man so nakikita ko si Dina, pero never kaming nagsama.”
Hindi natin masisisi sina Alma at Dina kung nalimutan nilang sila ang mga bida sa Throwaway Child dahil apatnapung (40) taon na ang nakalilipas mula nang kanilang gawin ang pelikula na mapapanood sa YouTube.

Dina Bonnevie (left) and Alma Moreno in Throwaway Child
Matibay itong ebidensiya na hindi ang sitcom na Kalye Kweens ng TV5 ang unang proyekto na magkasama sila.
Sabi ni Alma tungkol sa pagsasama nila ni Dina sa sitcom, “Nang itanong nila sa akin kung okay ba na kasama ko si Miss D, sabi ko, oo naman. Walang problema kasi kaibigan ko. Siguradong hindi kami maiilang sa isa’t isa.
“Actually, mas gusto ko ang comedy kasi light. Tuwang-tuwa ako dahil sa bigat ng nakaraang pandemic, meron kang ginagawa na magpapatawa naman sa tao.
"Pati kami mismo sa set natatawa so magaan. Kapag drama, medyo mabigat.”
Read: Alma Moreno at Dina Bonnevie, "magbabardagulan" sa TV5 sitcom na Kalye Kweens
WINWIN MARQUEZ'S MYSTERY PARTNER
Nagsalita rin si Alma tungkol sa karelasyon ng kanyang anak na si Winwyn Marquez na hindi pa nito ipinapakilala o inilalantad sa publiko.
Tiniyak ni Alma na binatang-binata ang boyfriend ni Winwyn na matagal na nilang kilala ng kanyang ex-husband na si Joey Marquez.
Read: Winwyn Marquez's partner reacts to "may sabit," "nagtatago" allegations
“Unang-una, binata yung partner ni Winwyn," sabi ni Alma.
"Siguro, respeto na lang natin yung desisyon ng anak ko na gusto niyang tahimik saka may work kasi na hindi puwedeng i-public. Non-showbiz siya.
“Namanhikan na siya. Unang-unang namanhikan ‘yan, kay Joey, tapos sa akin, nung buntis na si WinWyn.
“Kilala namin yung tatay ng anak niya, bata pa lang. Saka nakita naman namin na mahal na mahal niya si Winwyn.
"Sila naman ang nagdesisyon, ayokong pangunahan sila."
May apo na si Alma kay Winwyn at sa boyfriend nito, pero ayaw niyang magpatawag na "Lola" dahil bawal raw ito.
Saad ng beteranang aktres, “Bawal ang lola. Mama Ness! Mama Ness!
"Alam mo kung sino ang nagbansag sa akin niyan? Si Rudy Fernandez! Mama Ness, bawal ang lola, bawal ang lolo.
“Ang mga apo ko, nasa nanay at tatay nila. Wala sa akin. Ayaw nila kasi mai-spoil kasi may baby pa ako na 12 years old.”
Ang yumaong aktor na si Rudy Fernandez ang ama ng panganay na anak ni Alma na si Mark Anthony Fernandez.
May mabilis na sagot si Alma sa reporter na nagtanong tungkol sa kanyang anak na bunso.
“Anak ko! Huwag mo nang tanungin kung paano!”
Para kay Alma, ang pagiging Alma ang "best part" ng kanyang buhay at wala siyang anumang pinagsisisihan.
“Yung mga nangyari sa buhay ko, kung tutuusin, blessed pa rin ako kasi hindi ako pinababayaan.
"Kahit minsan down na down ako, nakaka-survive ako na wala akong iniistorbo sa paligid ko," sabi niya.