Parental Guidance ang classification ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) sa Always, ang reunion movie ng real-life lovers na sina Kim Chiu at Xian Lim na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan simula sa September 28.
Pinuri ng mga miyembro ng MTRCB ang pagganap ni Xian at ang bubbly performance ni Kim sa Philippine adaptation ng 2011 South Korean movie na pinagbidahan nina So Ji-sub at Han Hyo-joo.
“Sobrang excited dahil around seven to eight years na rin kami na hindi gumagawa ng pelikula na kaming dalawa yung nasa istorya na kami yung main focus. So we're very excited.
“Nakakatuwa lang at nakakapanibago at the same time, to be working again after so long. At least, balik-sinehan na. Puwede nang manood uli sa big screen and we hope everyone can watch what we really worked hard for.
“Hindi ito yung usual Xian na malinis, anak ng mayaman. It’s something different, scruffy [look],” ang nakangiting pahayag ni Xian tungkol sa muling pagtatambal nila sa pelikula ng girlfriend niya.
Mga romantic comedy movie ang mga nakaraang proyekto nina Xian at Kim kaya natutuwa ang aktres dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makagawa ng isang pelikula na seryoso.
“Itong movie na 'to ang pinaka-serious so far. Akalain mo, Xian? Aabot tayo sa part na gagawa kami ng more serious.
“Parang ngayon lang talaga kami nagkaroon ng nakakaiyak na trailer [ng pelikula] na ginawa namin together and sobrang na-excite kami sa genre ng movie. It’s more mature for both of us,” kuwento ni Kim na nanibago dahil sa matagal na hindi nila paggawa ni Xian ng pelikula.
Trivia: Thirty-three years old si So Ji-sub nang magbida ito sa Always noong 2011 at 33-years-old din si Xian nang bigyang-buhay nito ngayong 2022 ang karakter ng South Korean actor sa Filipino version ng tear-jerker movie.