Kahit hindi pa kumpirmado, bayolente ang reaksyon ng mga Pilipino na tagahanga ng mga beauty pageant sa kumakalat na balita na isang Thai billionaire ang bagong nagmamay-ari sa Miss Universe beauty pageant.
Kinumpirma ng New York Post noong September 1, 2022 na ipinagbibili ni Ari Emanuel ng Endeavor ang Miss Universe beauty pageant sa halagang US$20 million.

Si Emanuel ang Chief Executive Officer ng Endeavor, isang American holding company para sa mga talent at media agency at parent company nito ang WME IMG Holdings, LLC.
Nakasaad sa report ng New York Post na sinusuyo ni Emanuel ang mga foreign investor sa Asia at South America para bilhin ang beauty pageant na itinuturing na pinaka-prestihiyoso sa buong mundo.
Kahapon, September 24, lumitaw ang mga balita na ibinenta ng Endeavor sa isang Thai billionaire ang Miss Universe na hindi ikinatuwa ng Pinoy beauty pageant aficionados.
May pangamba ang mga ito na baka hindi na manalo sa nabanggit na patimpalak-kagandahan ang mga kinatawan ng Pilipinas.
Ginamit na halimbawa ng mga nababahala na Pilipino ang Miss Grand International, ang beauty pageant na pag-aari ng Thai businessman na si Nawat Itsaragrisil.
Hindi pa nagkakaroon ng Filipina winner ang Miss Grand International kaya binansagan ito na “cooking show” ng mga dismayadong Pilipino na nag-aalala na baka ganoon din ang mangyari kung totoo ang balitang isang Thai citizen ang nakabili sa Miss Universe.
Nadagdagan ang mga hinala na posibleng may katotohanan ang isyu dahil sa pagdalaw ni Miss Universe Thailand 2022 Anna Sueangam-iam sa Miss Universe Organization Headquarters sa New York City at sa courtesy call niya kay Paula Shugart, ang presidente ng Miss Universe.
Nagpang-abot sa Miss Universe Organization Headquarters si Anna at ang Filipina television reporter na si Dyan Castillejo kaya nakapanayam nito ang Thai beauty queen na makakalaban ni Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa 71st Miss Universe na magaganap sa January 14, 2023 sa New Orleans, Louisiana, USA.

Kahit hindi pa tiyak na naibenta na sa isang Thai citizen ang Miss Universe dahil kailangan pa rin na hintayin ang opisyal na pahayag ng Endeavor at ng Miss Universe Organization, lumilitaw ang pangalan ng Thai billionaire na si Anna Jakrajutatip bilang isa sa mga pinaghihinalaan na bumili sa nasabing beauty pageant.
Si Anna ang transgender woman na naugnay noon kay Clint Bondad, ang former actor at ex-boyfriend ni Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Noong May 2021 nagbitaw ng salita si Anna na handa itong bilhin ang Miss Universe dahil hindi niya matanggap na si Miss Universe Mexico Andrea Meza ang nanalo.
“Crowning Mexico in Miss Universe 2020 was premeditated and all business driven. Insiders had long knew even before it started,” ang reklamo ni Anna, kasunod ang pahayag na “Cash is ready if the fair deal would be on display” dahil diumano, inimbitahan na siya ng IMG Endeavor noong 2018.