Inilabas ng isang reputable online news site kahapon, August 30, 2022, ang report na wala talaga sa script ng Bituing Walang Ningning ang iconic line ni Cherie Gil na "You’re nothing but a second rate trying hard copycat."
Nanggaling ang impormasyong ito mula sa theater actor at activist na si Bart Guingona, na matalik na kaibigan ng pumanaw na aktres.
Sinabi ito ni Bart sa interbyu sa kanya ng award-winning broadcast journalist na si Howie Severino sa bagong episode ng The Howie Severino Podcast.
Napakinggan namin ang nasabing episode kaya narining namin ang pahayag ni Bart.
Saad niya, “That line was hers actually, she said that line right on the spur of the moment.
“So, imbento niya ‘yon. So for a long time, when it was being copied, she didn’t mind it except that someone used it in a TV show… I think and she called them and said, 'No. You can’t use that line. That’s mine.'
“So that’s one of the things about her. I mean, in fairness to Cherie, we paint her out to be a diva but in fact, she was very disciplined.”

Sinabi ni Bart sa podcast interview sa kanya ni Howie na 2009 nang mag-umpisa ang pagiging magkaibigan nila ni Cherie kaya posibleng ibang bersiyon ang nakarating sa kanya tungkol sa iconic line ng aktres sa Bituing Walang Ningning.
Pero nararapat itong ituwid para hindi mabali ang katotohanan at upang maiwasang maging isang tsismis na lamang ang tunay na kasaysayan.
Read: Mga makulay na kuwento sa likod ng iconic line ni Cherie Gil sa Bituing Walang Ningning
Ang yumao na ring si Emmanuel H. Borlaza ang direktor ng Bituing Walang Ningning.
Personal na nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Borlaza noong June 22, 2015 tungkol sa isyu ng hindi malilimutang dialogue ni Cherie sa pelikulang ipinalabas noong 1985.
Napilitan si Borlaza na lumantad at magsalita noon dahil sa Cease and Desist Letter na ipinadala ng abogado ni Cherie sa mga producer ng Bituing Walang Ningning, The Musical na itinanghal sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.
Nakasaad sa Cease and Desist Letter ang pagpapahinto ni Cherie sa Viva at Resorts World Manila management sa paggamit ng famous line na "You’re nothing but a second rate trying hard copycat" sa Bituing Walang Ningning, The Musical, na nagbukas noong June 17, 2015.
Diumano, intellectual property ng aktres ang nabanggit na dialogue.
Read: Cherie Gil wants Bituing Walang Ningning, The Musical to stop using her famous line
Kinontra ni Borlaza ang aksyon ng kampo ni Cherie dahil sa kanya raw nanggaling at siya mismo ang nagsulat ng linya na inaangkin noon ng aktres.
“Kahit ilibing nila ako bukas nang buhay, yun ang katotohanan,” giit ni Borlaza.
Pumanaw si Borlaza noong October 2017, pero buhay na buhay ang isang miyembro ng production staff ng Bituing Walang Ningning na nakausap ng Cabinet Files at saksi sa buong pangyayari.
Pinatotohanan niya ang pahayag ng yumaong direktor.
“Yes, it was written by Maning Borlaza on the set nang nag-shoot ng scene na ‘yan,” pahayag ng eyewitness na nakausap ng Cabinet Files kagabi, August 30.